NOONG Linggo ng gabi ay nagpalabas ng replay ang show nina Sharon Cuneta at Ogie Alcasid sa TV5, ang The Mega and the Songwriter. Hindi na nag-taping ang dalawa ng bagong episode ngayong Enero dahil hindi na nga raw itutuloy pa ang naturang show.
Habang wala pang kapalit, magpapalabas ng replay ang The Mega and the Songwriter na inilunsad ng TV5 noong Setyembre 2013.
Ang problema kasi sa show na iyan, itinapat ito sa mga malakas na programa tulad ng The Voice of the Philippines at Gandang Gabi Vice ng ABS-CBN, pati na rin ang Imbestigador ni Mike Enriquez sa GMA.
Inamin mismo ni Ogie na nahihirapan ang show nila ni Sharon na sumabay sa mga malakas na programa, bukod sa hindi na uso ang mga musical show sa primetime.
Ginawa ito ng Dos noon kay Sarah Geronimo sa Sarah G Live ngunit mas pinili ng estasyon na ilagay ang mga reality show sa timeslot na iyon tulad nga ng The Voice at Pilipinas Got Talent.
Sa ngayon ay nakatengga si Ogie sa TV5 dahil hindi itinuloy ang dapat sana niyang teleseryeng The Gift dulot ng pag-ere ng mga laro ng PBA sa primetime ng Kapatid Network.
Sa tingin namin, lalong babagsak ang career ni Ogie sa Singko dahil ilang buwan lang tumagal ang kanilang show ni Sharon at dapat ay nanatili na lang siya sa GMA na ilang taon siyang namayagpag sa Bubble Gang.
Samantala, balak ng TV5 na i-revive ang Talentadong Pinoy at ilalagay ito sa oras na iniwan ng The Mega and the Songwriter.
Pero kailangan munang maghanap ng Singko ng bagong host dahil lumipat na si Ryan Agoncillo sa Siete.
Nasa TV5 na rin si Bianca King at malapit nang magsimula ang kanyang unang show sa Kapatid Network, ang Obsession.
Sinibak na rin umano ng TV5 ang Saturday talk show ni Edu Manzano, ang What’s Up Doods? dahil din sa mababa nitong rating.
James Ty III