MAGING si Pangulong Benigno Aquino III ay nalito rin kung paano nakalusot ang P200-M realigned Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Sen. Jinggoy Estrada sa 2014 General Appropriations Act (GAA) gayong idineklara nang unconstitutional ng Korte Suprema ang PDAF.
“Kinukuha ko pa ‘yung detalye. Sorry, hindi ko maalala ngayon ‘yung exact na details, ano. Pero ‘yung—sabi ko, teka muna, wala yatang—wala nang PDAF, ano. In fact, wala na sa 2014 budget supposedly ang PDAF,” sagot ng Pangulo nang tanungin ng mamamahayag sa kanyang reaksyon hinggil sa pahayag ni Atty. Romulo Macalintal na illegal ang realigned PDAF ni Estrada.
Katuwiran ng Pangulo, hindi prayoridad ng kanyang pakikipagpulong sa gabinete ang isyu ng legalidad ng realigned PDAF.
“Balikan na lang kita diyan para makakuha ako ng eksaktong detalye mula sa DBM. Kasi kahapon ang dami naming meeting na hindi ‘yan ang priority doon sa mga topic na aming pinag-usapan; amongst them ito ngang sa energy, ano, at itong presyo ng MERALCO ang kumain ng oras natin kahapon,” paliwanag pa niya.
Magugunitang isinasailalim ng Pangulo sa conditional implementation ang realigned PDAF ni Estrada sa Maynila (P100-M), Caloocan City (P50-M) at Lla-lo, Caga-yan (P50-M).
(ROSE NOVENARIO)