MAY asim pa si Eric menk!
Iyan ang napatunayan ng manlalarong tinaguriang ‘Major Pain’ noong Linggo nang tulungan niya ang Global Port na magwagi kontra Alaska Milk.
Pinatid ng BatangPier ang five-game losing skid at mayroon na silang 5-8 karta ngayon sa PLDT myDSLPBA Philipine Cup. Sigurado na sila sa playoff para sa quarterfinals berth.
Sa larong iyon, si Menk ay nagtala ng double-double (10 puntos at 11 rebounds).
Aba’y matagal-tagal na rin namang hindi niya nagawa ang ganitong statistic.
E, hindi nga ba’t noong nakaraang season ay hindi nga siya naglaro sa Barangay Ginebra San Miguel at sa halip ay napunta siya sa San Miguel Beermen na nagkampeon naman sa ASEAN Basketball League.
Bago iyon ay hindi na rin siya gaanong nagamit pa sa kampo ng Gin Kings. Kaya nga minabuting lumipat siya sa ABL, e.
Mabuti na lang at nakabalik si Menk sa PBA sa ruta ng Globalport.
Pero siyempre, hindi na siya ganoong kabilis at kataas tumalon. Hindi na rin mahaba ang kanyang playing time. Kumbaga’y pamalit na lang ang papel ng dating Most Valuable Player awardee.
Napilitan nga lang si Menk na magtala ng mahabang playing time noong Linggo dahil sa hindi nakapaglaro si Jay Washington na mayroong foot injury.
Mahigit dalawang linggong hindi makapaglalaro si Washington.
Kailangang may pumuno sa pagkawala niya.
At isa si Menk sa pupuno dito.
Well, kung hahaba nang hahaba ang playing time ni Menk, malamang na kahit paano’y magbalik ang dati niyang husay.
At magiging maganda ito para sa Globalport. Kahit na makabalik sa active duty si Washington, aba’y malaki ang pakinabang na maibibigay ni Menk .
Sabrina Pascua