INIP na inip sa tila usad-pagong na hustisya sa Marikina PNP at kawalan ng ‘gasolina’ ang kaso ng pamamaril sa apo ni comedian Willie Nepomuceno, sa Marikina City.
Ani Willie Nep, tanging sa mga mediamen lang siya nakakakuha ng update sa kaso ni Sean Gabriel, na binaril sa Bayan-Bayanan Avenue, sa lungsod, isang linggo na ang nakararaan.
Sisi pa nito, kung ano yung sabihin ng mga pulis ay yun lang ang kanilang nalalaman, hinaing pa ng komedyante, “Parang ganun yata ang kalakaran dun. Ikaw ang may complaint, ikaw ang magpa-follow up.
“Hindi ko naman puwedeng sisihin na ang bagal n’yo dahil hindi naman kami ang nagpapasuweldo sa kanilang lahat. Marami pa ring kasong inaasikaso, maraming krimeng nangyayari sa bansa ngayon e. ‘Yun ang nakakalungkot.
“Ayoko namang lumabas na isa lang statistics sa unsolved crimes yung kaso ng apo ko,” ani Nepomuceno.
Itinanggi naman ni P/SSupt. Reynaldo Jagmis, chief of police ng Marikina PNP, na walang supply ng gasolina dahil sampung libo ang budget anya ng gas sa bawat mobile car ng PNP sa lungsod. (ED MORENO)