PINABILIB ng Superstar na si Nora Aunor ang baguhang director na si Perci Intalan. Ginagawa ngayon ng dating TV5 executive ang pelikulang Dementia na pinagbibidahan nina Nora Aunor at Jasmine Curtis Smith.
Although test shot pa lang ang ginawa ni Direk Perci last week para sa naturang pelikula na magaganap ang actual shooting sa Batanes this March, sobrang nasiyahan siya sa resulta nito.
“Oo, iyong ine-expect na-ming Ate Guy, lagpas-lagpas pa roon iyong nakita naming,” esplika ni Direk Perci.
Ayon pa sa kanya, sa test shot pa lang na ginawa nila ay sobrang pinabilib na siya sa galing ni Guy.
“Kaunti lang ang ibinibigay ko sa kanyang instructions, ‘O Ate Guy, itong eksenang ito kailangan ay ganito ha, titingin kayo sa kawalan, tapos ay ganyan-ganyan-ganyan…,’ tapos ay okay na.
“Hindi ako nagbibigay sa kanya ng maraming detalye, fortunately, maliit lang iyong set-up, so, kaya kong isigaw ‘yung istructions. At doon ko nakita iyong gulat, na sa kaunting ibinigay mo sa kanya, ang laki ng ibinabalik niya sa iyo na magugulat ka na lang,” pahayag pa ni Direk Perci.
“Kasi, it’s a complex character, isang babaeng mayroong dementia, its really pretty much parang alzheimer’s, pero early stage. So sa case niya, nakakausap mo pa, pero marami na siyang nakakalimutan. Tapos ang problema, ang situation is, mayroon siyang mga nakikitang mga tao na walang ibang nakakakita.
“Ano iyan e, inspired by something na nangyayari rin, kasi ang Mom ko ay may alzheimer’s na mayroon talaga kaming situation na ganoon. And common siya sa mga kaibigan ko na may alzheimer’s ang parents. Iyong bigla na lang may sasabihin na , ‘Sino iyan?’ tapos wala naman palang tao.
“So, iyon iyong question mark sa pelikula, dahil hindi mo alam kung nasa utak lang iyon ng karakter ni Nora o talagang may nagmumulto, kaya complicated.”
Ipinahayag pa ni Direk Perci na dahil sa galing sa pag-arte ni Nora ditto, mapapaisip ang audience kung may multo ba talaga o nasa utak lang ito ng award winning actress.
“Kaya sabi ko, ‘Ate Guy ikaw lang ang makakagawa nito. Kasi sa iyo, expression pa lang ng mata mo, mapapaniwala na ang audience.’ Mapapaniwala ang audience na totoong mayroong nagmumulto. Pero, kapag nag-isip iyong audience, posibleng dahil nakita lang nila ang reaction ni Nora sa movie, kaya ganoon.”
Well, isang kaabang-abang na pelikula nga itong Dementia at inaasahang hindi lang ang mga datihang Noranians ang susuporta rito, kundi ang mga mahihilig sa pelikulang kakaiba at may katuturan.
Billy Crawford, umaming dumidiskarte kay Coleen Garcia!
UMAMIN na si Billy Crawford na nililigawan nga niya ang co-host sa It’s Showtime na si Coleen Garcia.
“Yes nililigawan ko. She’s not my girlfriend, yet. And I would love for her to be,”pahayag ni Billy sa Buzz ng Bayan noong Linggo.
Gayonman, itinanggi ni Billy na may kinalaman si Coleen sa break-up nila ng dating kasintahan na si Nikki Gil. May mga sitsit noon na may third party sa hiwalayang Nikki-Billy at nang nakitang madalas na magkasama noon sina Billy at Coleen, natsismis na si Coleen ang third party na tumapos sa limang taong relasyon nina Billy at Nikki.
Idinagdag pa ni Billy na umiiwas talaga noon sa kanya si Coleen dahil nga sa mga umiikot na balita sa kanilang dalawa, subalit naging pursigido raw siya sa dalaga.
Nonie V. Nicasio