TUWING ika-9 ng Enero ay dinadagsa ng milyon nating mga kababayan ang simbahan ng Quiapo para maki-prusisyon sa itim na Nazareno. Habang ang mga mananampalataya sa buong mundo ay umuunti, dito sa atin ay nanatiling malakas ang pananampalatayang Kristyano. Gayun man ang pagpapakita natin ng pananampalataya tuwing kapistahan ng Nazareno at iba pang ka-uring kapistahan ay pagpapakita rin natin kung paano tayo nanatiling pagano.
Hindi ko sinasabing mali ang ating ginagawa. Ang sa akin lamang ay talagang kakaiba at misteryoso ang pagtatangka ng laksa-laksang tao na mahawakan kundi man makalapit sa Nazareno subalit sa kabila nito malinaw na paganong gawain ito. Parehong pareho ito sa nakatala sa Exodus 32:19,20, 27 at 28 kung saan ipinakitang nagalit si Moses dahil sa pagsamba ng mga tao sa isang ginintuang baka.
Ayon sa mga kabanatang ito ng Exodus: “(19) At nangyari paglapit niya sa kampamento, na kaniyang nakita ang guya at ang sayawan; at ang galit ni Moises ay naginit at kaniyang inihagis ang mga tapyas na nasa kaniyang mga kamay at nangasira sa paanan ng bundok. (20)At kaniyang kinuha ang guya na kanilang ginawa, at sinunog ng apoy, at giniling hanggang sa naging alabok, at isinaboy sa ibabaw ng tubig, at ipinainom sa mga anak ni Israel….(27) At sinabi niya sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Ipatong ng bawa’t lalake ang kaniyang tabak sa kaniyang hita, at yumaon kayong paroo’t parito sa mga pintuang-daan, sa buong kampamento, at patayin ng bawa’t lalake ang kaniyang kapatid na lalake, at ng bawa’t lalake ang kaniyang kasama, at ng bawa’t lalake ang kaniyang kapuwa. (28) At ginawa ng mga anak ni Levi ang ayon sa salita ni Moises: at nabuwal sa bayan ng araw na yaon, ang may tatlong libong katao.”
Tayo’y relihiyoso pero mababaw ang ating pagsasabuhay natin ng pananampalataya. Kaya hindi kataka-taka ang inaantay natin palagi sa kalendaryo ay ang mga kapistahan ng santo, kabilang na ang mahal na araw. Ang mga araw na ito’y hindi kinakikitaan ng kalungkutan o pagninilay kundi pagsasaya at pagsasadula ng mga drama. Ang pananampalataya’y pinagkukuhanan natin ng ginhawa at lakas ng loob hindi ng kamulatan para lumaya sa kasalanang nagdudulot ng panlipunang kasamaan, kaapihan at kahirapan.
Marami ang sumasama sa mga prusisyon pero ang karamihan sa mga ito ay may personal na dahilan. May mga nagpapatuloy ng pamamanata, nagpapasalamat sa mga biyaya o dili naman kaya ay humihingi ng tulong upang maibsan ang hirap. Sayang kung magagawa lamang natin na ituon ang ganitong debosyun tungo sa pagtatayo ng isang malakas na bansa ay tiyak na maayos na ang ating bayan ngayon.
Ang ating malakas subalit mababaw na pananampalataya ay umiikot sa mga seremonya’t santo. Ito ang ipinalit natin sa mga misteryosong dalit ng mga babaylan at mga anitong sinauna. Si bathala ay pinalitan natin ng kanluraning Diyos.
Dahil mababaw ang pagkakaintindi natin sa ating pananampalataya kaya hindi natin magagap kung ano talaga ang ibig sabihin ng Kristyanismo. Siguro ito ay dahil sa simula pa lamang ay ay sinalaula at ginamit ng mga Kastila ang pananampalataya sa kanilang pananakop sa atin. May palagay ako na ito ang dahilan kaya mababaw ang uri ng ating pananampalataya.
Ito rin ang dahilan kahit sinasabing tayo ay Kristyano kaya madali para sa karamihan ang magwalanghiya, magnakaw sa poder o gumawa ng krimen. Sa katunayan alam sa buong mundo na marami sa ating mga pul-politiko ay lantarang ganid at walanghiya.
(itutuloy)
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa [email protected] para sa karagdagang impormasyon.
Nelson Forte Flores