IDINEPENSA ni PNP chief, Director General Alan Purisima ang ipatutupad na bagong firearms law kaugnay ng pagpapahintulot sa isang indibidwal na magmay-ari ng 15 baril.
Ayon kay Purisima, legal ito sa ilalim ng bagong batas at lalabas naman aniya ito sa kategoryang collectors’ license na tiniyak niyang daraan din sa butas ng karayom sa pagpaparehistro ang mga may-ari nito.
Dagdag ni Purisima, hindi lahat ng baril ng isang gun collector ay bibigyan ng permit to carry at may limitasyon sila sa bilang na itatakda kung ilan lang ang maaaring ibigay na lisensya.
Una nang kinuwestyon ng PNP chief ang mga bumabatikos sa bagong ipatutupad na firearms law kung bakit ngayon lang naglabas ng pagtutol sa RA 10591 na sana aniya ay ginawa habang binabalangkas ang implementing rules and regulations(IRR). (HNT)