ISANG team official ng Alaska Milk na ayaw magpabanggit ng pangalan ang nagbunyag ng tunay na dahilan kung bakit hindi pinaglaro ni coach Luigi Trillo ang 2013 PBA Rookie of the Year na si Calvin Abueva sa laro ng Aces kontra Globalport sa PBA Home DSL Philippine Cup noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Kahit sinabi ni Trillo na masakit ang paa ni Abueva, ibinunyag ng source na binangko si Abueva dahil naglasing umano ito pagkatapos ng laro ng Alaska noong Biyernes kontra Meralco kung saan natalo ang Aces, 74-65.
Bukod dito, hindi sumipot si Abueva sa ensayo ng Alaska kinabukasan.
Idinagdag ng source na hindi kinunsinti ni Trillo ang ginawang ito ni Abueva dahil kilala ang Alaska bilang wholesome na koponan at dapat ay maging role model ang mga manlalaro sa mga kabataang umiidolo sa kanila.
Natalo ang Aces sa overtime, 91-88, kontra sa Batang Pier upang bumagsak sila sa 4-9 panalo-talo at kailangan nilang talunin ang Barako Bull sa Linggo upang manatiling buhay ang kanilang pag-asang makapasok sa quarterfinals.
Habang sinusulat ang balitang ito ay nakikipagpulong si Abueva, kasama si Jared Dilinger ng Meralco kay Komisyuner Chito Salud upang kunin ang kani-kanilang mga pahayag sa umano’y pagsakal ni Dilinger kay Abueva sa laro noong Biyernes.
(James Ty III)