KIDAPAWAN CITY – Ipinag-utos ni Governor Emmylou “Lala” Taliòo Mendoza sa pulisya ang malalimang imbestigasyon sa pagsabog dakong 8:05 p.m. kamakalawa sa Arakan, North Cotabato na ikinasugat ng 26 katao.
Ayon kay Cotabato PNP provincial director, Senior Supt Danilo Peralta, sumabog ang hindi pa matiyak na klase ng improvised explosive device (IED) sa loob ng Cotabato Foundation College of Science and Technology (CFCST) sa Brgy. Doroluman, Arakan, Cotabato.
Karamihan sa mga biktima ay mga estudyante at guro na patuloy na ginagamot sa iba’t ibang hospital sa lalawigan ng Cotabato.
Nangyari ang pagsabog nang magresponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa sunog sa isang dormitory sa loob ng CFCST hanggang biglang sumabog ang bomba sa gilid ng fire truck na naging dahilan para madamay ang mga biktima. (BETH JULIAN)