NANINIWALA ang isang mambabatas na malaking banta sa ekonomiya ang nakaambang rotating brownouts at power shortage sa bansa.
Magreresulta ito sa pagkalugi ng mga negosyo at pagkawala ng trabaho ng libo-libong manggagawa, ayon kay Senador Bam Aquino.
“Katulad ito ng nangyaring malawakang brownout sa Mindanao, na maraming kompanya ang nalugi at tuluyang nagsara at maraming manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay,” ani Sen. Aquino, tagapangulo ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship.
“Kung mangyayari ito sa Metro Manila at sa mga karating lugar sa Luzon na sentro ng negosyo, mas malaki pa ang magiging kalugian at mas maraming manggagawa ang maaa-pektohan,” ayon kay Aquino.
Una nang ibinabala ng Manila Electric Co. (Meralco) ang pagkakaroon ng rotating brownouts at power shortage bunsod ng temporary restraining order (TRO) na inilabas ng Korte Suprema, na pumigil sa mataas na singil sa koryente.
Ayon sa Meralco, maaaring hindi na sila bentahan ng koryente ng generating firms kung hindi pahintulutan ng Korte Suprema na magtaas ng singil ng P4.15 kada kilowatt hour.
Dagdag pa ng Meralco, kailangan ng kompanya magtaas ng singil dahil napilitan ito na bumili ng koryente sa mas mataas na halaga dahil sa panandaliang pagsara ng Malampaya gas project at ibang mga power plant.
Sinabi ni Aquino, maiiwasan ang banta ng rotating brownouts at power shortage kung mapabibilis ang proseso sa pagpasok ng mga kompanya sa industriya ng koryente.
Paliwanag niya, maraming kompanya ang interesadong mamuhunan sa sektor ng koryente, ngunit nadidismaya sa kupad ng proseso ng pagkuha ng permisong makapag-operate.
Diin pa niya, mahalaga ang pagkakaroon ng maraming power plants upang matiyak ang sapat na supply ng koryente sa mababang halaga.