PINAALALAHANAN ng Palasyo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na dapat ay alam niya bilang isang halal na opisyal na sa lahat ng panahon ay kailangang umiral ang “rule of law.”
Pahayag ito kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., hinggil sa ulat na pinaninindigan ni Duterte ang kanyang pagbabantang papatayin niya ang mga rice smuggler sa Davao City sa kabila nng pagbatikos ng Commission on Human Rights (CHR).
“Batid po natin na bilang isang elected public official ay batid din naman niya ang kanyang mga responsibilidad. At para sa amin lang po, paalala lang sa lahat ng mga lingkod-bayan na tayo po ay dapat magpairal ng rule of law,” sabi ni Coloma.
Dapat aniyang kilalanin ng lahat ng mga opisyal ng pamahalaan, sila man ay nasa pambansa o sa local na pamahalaan, ang mga proseso ng batas dahil ang ating pamahalaan ay “government of laws not of men.”
Magugunitang matapos mapaulat na sa Port of Davao ipinupuslit ang smuggled na bigas ni rice cartel godfather Davidson Tan Bangayan a.k.a. David, Tan at makaraang hilingin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang tulong ni Duterte para sugpuin ang rice smuggling ay agad na nagbabala ang alkalde na papatayin niya ang sino mang rice smuggler sa kanilang siyudad.
(ROSE
NOVENARIO)