TUMANGGAP umano ang damuhong tinaguriang “pork scam queen” na si Janet Napoles ng advance na P300 million mula sa P900 million na hiniling ng Dep’t of Agrarian Reform (DAR) bilang tulong sa mga sinalanta ng malalakas na bagyong “Ondoy” at “Pepeng” noong 2009.
Pinayagan daw ng noon ay Agrarian Reform Sec. Nasser Pangandaman na ma-release ang 32 tseke na may kabuuang halagang P300 milyon sa pagitan ng Nob. 26 hanggang Dis. 3, 2009 sa 12 nongovernment organizations (NGOs) na hawak ni Napoles.
Mantakin ninyong ito ay bago pa raw mag-isyu ang Dep’t of Budget and Management (DBM) na nasa ilalim noon ni Sec. Rolando Andaya, Jr., ng notice of cash allocation (NCA) noong Dis. 21, 2009, para sa hinihiling na P900 million Malampaya Fund para sa mga biktima ng bagyo.
Sinulatan daw ni Pangandaman si Andaya para mag-request na mag-isyu ang DBM ng NCA para sa P900 milyon noong Dis. 17, 2009. At pinagbig-yan naman umano ni Andaya ang naturang request kahit na tumututol ang noon ay DBM director na si Nora Oliveros, dahil ang request ni Pangandaman ay wala raw kaukulang sumusuportang dokumento.
Ayon sa mga whistleblower na dating mga empleyado ni Napoles, kumita raw si Pangandaman ng P75 milyon bilang kickback sa mga proyektong ito.
Ito ang detalyadong nakalagay sa mga dokumento na isinumite ng Dep’t of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) sa reklamong plunder kaugnay ng maling paggamit ng pondo ng Malampaya, dahil napunta raw ang P900 milyon sa mga kick back at ghost project.
Ang pirma raw ng 97 alkalde ng mga lungsod at munisipyo para sa proyektong ito ay pineke.
Magkakasamang inireklamo sa naturang kaso sina Napoles, dating Pres. Gloria Arroyo, dating Exec. Sec. Eduardo Ermita, Andaya at kanyang undersecretary Mario Relampagos, Pangandaman at kanyang undersecretary Narciso Nieto, at 19 na iba pa.
Ito ay bukod pa sa P10 billion pork barrel case na kinakaharap ni Napoles kaugnay ng anomalya sa maling paggamit umano ng priority development assistance fund (PDAF) ng mga mambabatas, na napunta rin daw sa mga kickback at ghost project.
Ngayong 2014, mga mare at pare ko, ay maraming umaasa na hahatulan at tuluyang pana-nagutin ang mga damuhong kumita ng milyon-mil-yon sa pagbubulsa ng pondo ng gobyerno.
Parusahan!
***
UMANDAR na naman ang pagiging buwaya ng China sa South China Sea.
Mantakin ninyong kailangan daw munang humingi ng permiso sa China ang mga dayuhang mangingisda na papalaot para manghuli ng isda sa naturang karagatan.
Ano ang mangyayari sa mga Pinoy na mahuhuli nilang nangingisda sa bahagi ng South China Sea na pasok sa 327-kilometrong exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas at tinatawag nating West Philippine Sea? Buong buhay nila ay nangingisda sila sa karagatang ito na teritoryo natin, mga mare at pare ko, pero ngayon ay oobligahin silang magpaalam muna?
Kagaguhan!
Ruther Batuigas