PINAIMBESTIGAHAN ni Manila Mayor Joseph Estrada ang reklamo ng ambassador ng Saudi Arabia sa pangingikil ng ilang pulis-Maynila sa mga Arabong turista.
Inatasan ni Erap si Manila Police District–Chief District Director Staff (MPD-CDDS) P/Senior Supt Gilbert Cruz, na makipag-ugnayan sa ambassador at alamin ang pagkakakilanlan ng 3 hanggang 4 na pulis na nakatalaga sa MPD-Station 5.
Sa ipinadalang liham sa alkalde ng Saudi Arabian ambassador, kasama sa mga inireklamo ang Station 6 ng Makati Police na nakipagsabwatan umano sa ilang indibidwal na kanilang ililigtas mula sa sinasabing pang-aabuso ng mga dayuhan at saka hihingi ng $1,000.00 hanggang $10,000, kapalit ng kalayaan ng inaakusahang turista.
Pinakahuli, ang kaso ng dalawang Arabo na sina Mr. Mustafa Abdullah Al Shantuity at Mr Fuad Abdullah Almohsin na inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 5 sa reklamo ng isang babae na apat na araw nakisama sa isa sa mga turista sa isang hotel pero kalaunan ay naghain ng reklamong rape.
Ani Erap, binuhay niya ang kampanya laban sa tinaguriang hoodlums in uniform na una niyang ginawa bilang chair ng Presidential Anti-crime Commission, dahil kahiya-hiya ang ginagawa ng mga tiwaling pulis lalo’t ipinagmamalaki pa raw ng Department of Tourism na ‘it’s more fun in the Philippines.’
(leonard basilio)