SUMUGOD sa sangay ng Meralco sa Kamuning sa lungsod ng Quezon ang maralitang kasapi ng Gabriela para obligahin na agad i-refund ang siningil sa mga konsyumer noong Disyembre bilang bahagi ng pagtalima ng kompanya sa ibi-nabang TRO ng Korte Suprema TRO kaugnay sa dagdag singil sa koryente. (ALEX MENDOZA)
KAPAG natapos na ang 60-day temporary restraining order (TRO) na inilabas ng Korte Suprema, posibleng umabot sa mahigit P8 kada kilowatt hour (kWh) ang ipataw na dagdag singil ng Manila Electric Company (Meralco).
Ito ay dahil bukod sa pinigil na P4.15/kWh na taas-singil noong Disyembre, kusang ipinagpaliban ng Meralco ang isa pang big-time power rate hike na umaabot sa P4.10/kwh ngayong Enero.
Una nang nagpasya ang Meralco na ipako sa November at December levels ang ipinapasang generation charge.
Dahil dito, inihirit na ng National Association of Electricity Consumers for Reform (NASECORE) sa Supreme Court (SC) na ipa-audit sa Commission on Audit (COA) ang awtomatikong pangongolekta ng generation charge ng Meralco mula 2004.
Ngunit sagot ng Meralco, nabubusisi naman ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang lahat ng ipinapasa nila ilang buwan matapos itong masingil sa publiko.
Nitong Lunes, muling umarangkada ang kilos-protesta laban sa dagdag singil sa koryente sa pangunguna ng Gabriela.
(BETH JULIAN)