HINDI namin alam kung bakit ginagawang parang isang napakalaki at kontrobersiyal na issue ang sinasabing paglipat ni Kris Aquino ng network. Para bang napakalaki ng epekto niyon sa industriya ng telebisyon sa bansa. Bakit, at ano naman ang dahilan?
Siguro nga marami ang nagtataka kung bakit nag-iisip na umalis si Kris sa ABS-CBN. Kasi riyan naman sa network na iyan, binigyan siya ng lahat ng suporta. Maging ang mga ambisyong politikal ng kanyang pamilya, sinuportahan ng network. Hindi naman iyon dahil sa kanya, kundi dahil sa ang network na iyan na nawala na noong panahon ng martial law, ibinalik ng nanay niya on a silver platter sa mga dating may-ari niyon at tumatanaw sila ng utang na loob.
Hindi rin naman masasabing ang programa ni Kris ang may pinakamataas na ratings sa nasabing network. Hindi rin naman siguro mangyayari na tataob ang network kung lilipat siya sa kalaban niyon. Hindi mo pa rin masasabi na ang lilipatan niyang network ang mamamayani sa ratings.
Marami ng mga artista ang umalis sa ABS-CBN. Umalis sa kanila si Willie Revillame noong panahong mataas ang ratings ng show niyon, naapektuhan ba sila? Hindi ba eventually ang network ay nakahanap din ng isang show na hindi man siguro makalaban nang husto sa kalaban, nakakasabay naman. Eh ganoon din lang naman ang naabot ng show ni Willie noon eh.
Umalis sa kanila ang isang major star, si Sharon Cuneta. Sabihin mo mang noon ay hindi ganoon katindi ang ratings ni Sharon, aba eh megastar pa rin iyan na mawawala sa iyo. Pero talagang ganoon eh. Nakakita iyong tao ng pinaniniwalaan niyang mas magandang pagkakataon na hindi mo maibibigay, pabayaan mo. Eventually nagkaroon ba naman iyon ng masamang epekto sa network?
Maraming iba pang mga artista na umalis sa ABS-CBN, tapos may bumabalik din naman pagdating ng araw. Isa na nga riyan si Richard Gomez, dahil nakita niyang mas may chances siya sa ABS-CBN, na nangyari naman. Ngayon sinasabi ni Willie na gusto niyang makabalik sa ABS-CBN, samantalang noon sinasabi niyang walang kuwenta ang network na iyan.
Ngayon sinasabi ni Kris , gusto niyang magkaroon ng sarili niyang network. Pabayaan ninyo, ambisyon niya iyon eh. Magkakaroon ba naman ng epekto iyon sa ABS-CBN kung mawala man siya?Palagay namin ay hindi.
Ed de Leon