HINDI pa raw nagbabayad ang gobyerno sa contractor na gumagawa ng bunkhouses sa Eastern Visayas kaya wala raw dapat ipag-aalala ang mga kumukuwestiyon at nagbulgar na overpriced ang nasabing proyekto.
Ang palusot ‘este’ depensa nga ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio ‘Babes’ Singhot ‘este mali’ Singson, hindi raw ‘overpriced’ kundi substandard daw ‘yung GI sheets na ginamit ng contractor.
Fact sheet talaga!!!
Hehehehe … nag-euphemized ka pa ‘e ganon din ‘yun. Ibig sabihin pinalitan ng mas murang materyales ‘yung una ninyong napagkasunduan.
Ano nga ang specs n’yan? Ang tawag ninyo ay family room na may sukat na 8.64 square meter (sqm). Nang pumutok ang isyu bigla ninyong ginawang 17.28 sqm at nagkakahalaga umano ng P65,750.
‘E hindi lang pala overpriced ang dapat na maging isyu dito. Hindi pa MAKATAO ‘yan. Napaka-INHUMANE sa pamantayan ng United Nations at international standards na ang minimum ay 22 sqm.
Mantakin ninyong patirahin ninyo sa ‘BARTOLINA’ ‘yung mga sinalanta ng bagyo?!
Bakit hindi kaya subukan ni Secretary babes Singhot na tumira o matulog d’yan sa bunkhouses na ‘yan?!
Mantakin ninyong gumastos ng halos P66,000 isang yunit para pahirapan lang ‘yung mga survivors.
GI sheets po ‘yan. ‘Yan po ‘yung mga lapad na yero. Mantakin ninyong paikutan mo ng yero ‘yung buong yunit ‘e ‘di napakainit no’n!
Hello Secretary Singhot ‘este’ Singson, ang Philippines po ay isang tropical country at mas madalas ay mainit dito at kung umuulan naman ay bumabagyo.
D’yan na tayo makakikita ng literal na ‘UMUULAN NG YERO’ kapag sinalanta na naman ng isang malakas na bagyo ‘yan.
Sana ibinigay n’yo na lang ‘yung P66,000 sa mga benepisaryo at ginabayan ninyo silang gumawa tapos sinuweldohan ninyo sila para kumikita rin sila.
‘E lumalabas na ang pinakita n’yo lang d’yan ‘yung contractor.
Sana ginaya ninyo ‘yung ginawa ng TZU CHI Foundation. Nang gumawa sila ng mga temporary shelter para sa mga survivor, ang CONCEPT nila COMMUNITY, hindi barracks, hindi bilangguan at lalong hindi bartolina!
Magkakadikit din ang dingding pero plywood at mayroon pang kasilyas na nakahiwalay sa paliguan. Kung mga limang taon lang ay tatagal ang nasabing ‘temporary shelter’ habang tinatrabaho ng gobyerno (kung tatrabahuin ang kanilang permanenteng pananahanan).
Pinangunahan ng Tzu Chi foundation ang pagtatayo ng nasabing mga temporary shelter kasama ang kanilang mga member/volunteers.
Pinatulong ang mga survivor sa paggawa at binibigyan ng sweldo sa bawat araw.
Bakit ba hindi ganyan mag-isip ang mga technocrat ni PNOY?
Nagiging UTAK-PALLIATIVE (tapal-tapal) ba talaga ang mga genius kapag nasa public service?!
Hindi ko talaga maintindihan kung bakit tinatrabaho na nila ang isang proyekto ‘e ayaw pa nilang ayusin gayong mayroong budget ‘yan.
Mga SIR, pwede bang magpakita naman kayo ng GOOD EXAMPLE at mag-iwan ng magandang LEGACY para sa mga kabataan natin ngayon?!
Huwag naman puro BULSA ninyo ang inaasikaso ninyo. Maawa kayo sa sambayanan lalo na sa mga biktimang ‘yan ng KALAMIDAD.
Ay sus!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com