HINDI kombinsido ang National Bureau of Investigation (NBI) sa naging paliwanag ni Budget Usec. Mario Relampagos kaugnay sa nabunyag na eskandalo ng pamemeke ng special allotment release orders (SARO) na nagkakahalaga ng P879 million.
Ayon kay Justice Sec. Leila de Lima, bagama’t nakapaghain na ng kanyang statement ang opisyal hinggil sa isyu, interesado pa rin ang NBI na isailalim si Relampagos sa mga pagtatanong.
Dagdag pa ng kalihim, partikular na nais matukoy sa imbestigasyon ay kung gaano kalalim ang alam ni Relampagos sa mga illegal na transaksyon ng ilan sa kanyang mga tauhan.
“The core factual issues are: Did he know about the shenanigans of his subordinates? Did he tolerate the same? Worse, did he benefit from those corrupt practices,” ayon sa kalihim.
Una nang inanunsyo ni Sec. De Lima na natukoy na ng NBI ang mga taong nasa likod ng tinaguriang “SARO Gang.”
Ang nasabing grupo ay sinasabing namemeke ng kakailanganing mga dokumento para masiguro ang pagpapalabas ng Priority Development Assistance Funds ng iba’t ibang senador at kongresista.
(LEONARD BASILIO)