SINABI naman ni Robin Padilla sa simula pa lang na mas gusto niyang ang kanyang pelikulang isinali sa MMFF ay kumita. Sabi pa nga niya, mas gusto niyang kumita iyan kaysa manalo siya ng award. Practical lang naman si Robin eh, namumuhunan din siya sa mga pelikula niya at sa totoo lang, kailangan niya ng isang hit movie dahil matagal na siyang walang malaking hit.
‘Yung ginawang love story niya noon na kinunan pa nila on location sa India, na nagtambal sila ng asawang si Mariel Rodriguez ay nag-flop din naman. Kaya kailangan talaga niya ng isang hit at siguro nga naniniwala siya na dahil maganda naman ang pagkakagawa nila ng kanyang pelikula, kikita iyon at magugustuhan ng mga tao.
Pero kung pinag-aralan lang sigurong mabuti ni Robin, kahit na sabihing maganda ang kanyang pelikula, hindi ganyan iyong action film na hinahanap ng mga Pinoy. Ang action film na gusto ng mga Pinoy ay iyong nagkakasuntukan ang mga artista, iyong talagang bakbakan.
Ano ba iyong gustong-gusto nila sa mga pelikula ni FPJ? Basta ginamit na ni FPJ iyong sunod-sunod na suntok sa sikmura ng kanyang mga kalaban, aba tuwang-tuwa na ang mga nanonood, kaya nga hindi puwedeng mawala iyon sa mga pelikula niya. Kaya naman lahat ng ginawa niyang pelikula ay malalaking hits.
Huwag ninyong sabihin na mayroong “intelligent action film”. Ilusyon lang iyan ng mga director na gustong magpa-impress. Hindi talaga kikita ang ganyang klase ng pelikula. Iyon bang action nga, pero ang gumagalaw ay ang utak, hindi ang katawan. Tanggapin na natin ang katotohanang dito sa atin, ang gusto ng masa ay iyong action film na physical ang laban.
Siguro ang isa pang naging drawback ng pelikulang iyan ay iyong pinalabas pa nila ang katotohanan na medyo fictionized nga, pero ibinase iyan sa pagtatago ng isang politiko. Eh alam naman ninyo ang image ng mga politiko ngayon, lalo na iyong kapanalig ng administrasyon. Hindi nakatulong ang ganoong publicity slant. Hindi nila napag-isipang mabuti iyon.
Naghakot nga sila ng award, and hopefully makatulong iyon para mai-improve ang kanilang box office returns, pero iyong kita ng pelikula nila sa unang dalawang araw ay kamote talaga.
Ed de Leon