LUMAYO AKO SA GRUPONG NAMIMILI NG GAMIT KUNG IMPORTED O PEKE
Doon kasi ay may pribilehiyo ang mga kostumer na magbuga nang magbuga ng usok ng yosi nang walang sisita. Pero mula nu’ng mabaterya ako ay iniwasan ko na ang pagpunta roon. Ayaw ko na silang makita at makasama. Hindi iilan sa kanila ang tila tasador ng pawnshop. Kinikilatis ang personal na gamit ng mga nakakaharap kung imported o genuine, kung peke o imitasyon. Inuuri nila ang pagkatao sa kanilang paligid batay sa halaga ng suot na damit at alahas at personal na gamit. Ayoko ng diskriminasyon. Ayoko na rin sa kanila!
Bago ako mag-fourth year college ay marami pa akong nakilala at naging kabatian sa campus. Isa na sa kanila si “Macky.” Pinaigsing “makibaka” ‘yun na itinawag ko sa kabataang tibak na madalas makisabay sa akin sa paglalakad pauwi. Makwento siya, maraming alam na paksa at malinaw magbitiw ng bawa’t salita. Kaya lang, puro problema ng bansa ang dini-discuss niya sa akin. Kaya raw maya’t maya ang pagtaas ng pasahe ay dahil sa panay-panay rin ang paglobo sa presyo ng mga produktong petrolyo. Kesyo kinampihan pa raw ng mga nasa poder sa gobyerno ang mga higanteng kompanya ng langis sa pagpapairal ng oil deregulation law. Marami siyang reklamo, puro problema nga.
Makalipas ang ilang buwan ay muli kaming nagkita ni Macky. Bagama’t ibang usapin ang tinalakay niya sa aming paglalakad noon, sa pakiwari ko ay sequel lamang ‘yun nang dati na naming mga napag-usapan. Pero sa huli ay kinunsensiya pa ako. Dapat daw makisangkot ang tulad naming kabataan sa mga isyung nakaaapekto sa pamumuhay ng nakararaming mamamayang Pilipino. Tapos, hinikayat niya akong sumama sa mga kilos-protesta sa kalsada, partikular na ang pagkondena sa maiskandalong pork barrel scam. Umayaw ako. Hindi ko kaya ang ginagawa niyang pagsasakripisyo at pagkakait sa sarili ng pinakamatamis na bahagi ng buhay sa pagbibinata.
Iisa lang ang amoy ng utot
Alas-kwatro ng hapon. Sa Baclaran-LRT Station pa lang ay gutom na gutom na ako. Tumingin-tingin ako ng makakain sa mga food cart na malapit sa booth na bilihan ng magnetic card. Siopao at palamig na buko-pandan ang nagustuhan ko. Pagkakain ay nanahimik na ang masisibang bulate sa aking tiyan.
Naglakad ako patungong Roxas Boulevard kung saan may sakayan ng mga bus na nagbibiyaheng balikan ng Naic-Baclaran. Naghilera roon ang mga sidewalk vendor. May nagtitinda ng mga damit, cellphone accessories, mga laruang pambata at sari-saring kakanin. Nadaanan ko ang tindero ng fishball, kikiam at kwek-kwek. Natakam ako. Nanghingi ako ng barbeque stick sa tindero. Tumusok ng sampung fishball sa kawaling nasa ibabaw ng kalang de-bomba. Inilubog sa bote ng maanghang na sawsawan. Ngumuya-nguya ako. Ubos agad. Tusok uli ng lima. Parang nagdaan lang sa bibig ko. Kwek-kwek naman. Pinaliguan muna ng sukang may sili ang dalawang piraso at saka ko magkasunod na sinintensiyahan. (Itutuloy)
Rey Atalia