NITONG Friday lamang po ay ipinagdiwang ng Armed Forces of the Philippines ang aming ika-78 Anibersaryo sa Camp General Emilio Aguinaldo, Quezon City na may temang “Tagumpay Noon, Bayanihan Ngayon, Karangalan Nating Lahat Bukas.”
Sa ganito kahabang panahon ay patuloy na ginagampanan ng inyong mga sundalo ang kanilang sinumpaang tungkulin na proteksyonan hindi lamang ang mga Pilipino kundi maging ang integridad at mga teritoryo ng Pilipinas.
Sa 78 taon na ito, atin pong balikan at alamin kung saan nga ba nag-ugat ang misyon at gampanin ng bawat miyembro ng inyong AFP na ngayon ay binubuo ng Philippine Army (PA), Philippine Navy (PN) at Philippine Air Force (PAF).
Hindi lingid sa ating lahat na tayo ay sumailalim sa panahon ng kolonyalismo na ang mga banyagang bansa ang namuno sa Pilipinas nang mahigit 300 daang taon. Mula sa mga Espanyol, Amerikano, at mga Hapon ay patuloy na lumaban ang mga Pilipino para sa kalayaan ng Pilipinas.
Panahon pa ng mga Kastila ay mayroon ng mga sundalong lumalaban para sa kalayaan ngunit naitatag lamang ang AFP noong 1935.
Taong Disyembre 20, 1935 sa pamamagitan ng ‘National Defense Act’ ay pormal na naitatag ang Armed Forces of the Philippines. Noong Nobyembre 1, 1939 naman ay pormal na nalikha ang Department of National Defense sa pamamagitan ng Commonwealth Act No. 430 at si Teofilo Sison ang kauna-unahang Secretary ng National Defense.
Maraming napagdaanang labanan at mga giyera ang ating mga sundalo. Ilan dito ay ang Battle of Tirad Pass, sa Corregidor at sa Bataan. Nagkaroon din ng reorganisasyon at ilang mga pagbabago sa estruktura ng AFP.
Bilang pagtugon din po sa international at humanitarian obligations ng AFP ay nagpadala tayo ng mga sundalo sa Korea upang tulungan ang United Nations (UN) na labanan ang komunista. Taong 1960s ay nagpadala naman ang PAF ng peacekeeping contingent sa Congo at Philippine Civic Action Group sa Vietnam.
Marami pang mga bansa ang natulungan ng AFP at ng Pilipinas. Sa katunayan nga po niyan ay kababalik lamang po ng mga sundalong ipinadala sa Golan Heights at Liberia ng mahigit isang taon bilang mga miyembro ng peacekeeping forces.
Ang inyong AFP, sa kabila ng panganib na dala ng pagtupad sa kanilang tungkulin ay patuloy na naglilingkod sa bayan. Sa kasalukuyan ay isinasagawa ang Internal Peace and Security Plan (IPSP) Bayanihan. Isang bukas na dokumento at panawagan para sa iba’t ibang sektor na tumulong at makibahagi sa pagsuporta sa kapayapaan at kaunlaran upang matapos na ang armadong pakikibaka ng mga rebeldeng grupo.
Saksi po tayo kung paano nakipagbayanihan ang ating mga sundalo sa mga nagdaang hamon ng lumipas na taon. Mula sa pagtupad ng kanyang tungkuling gawing matiwasay ang mga kanayunan, pagtugon nito sa kaguluhan sa Zamboanga na kumitil ng maraming buhay, at pag-aagawan sa mga teritoryo sa West Philippine Sea. Sa mga kalamidad na nagdaan (7.2 magnitude earthquake sa Bohol at mga bagyo), sa pananalasa ng bagyong Yolanda sa Silangan at Gitnang Visayas na kumitil ng libo-libong buhay at nangwasak ng maraming ari-arian sa mga lugar ng Leyte at Samar, pagsasagawa ng Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) Operations, hanggang sa pagsasagawa ng iba’t ibang proyekto at programa para makamit ng bawat Pilipino ang kapayapaan at kaunlaran ay hindi po tumigil ang inyong mga sundalo sa pagtulong at pagganap sa kanilang mga tungkulin na paglingkuran ang mga Pilipino.
Kaya ako po ay lubos na nagpapasalamat sa inyong lahat sa patuloy ninyong pakikipagbayanihan sa ating mga kasundaluhan at sa sambayanang Pilipino.
Mabuhay tayo!
Happy 78th Anniversary AFP!
Nais ko nga palang batiin ang bagong set of officers ng MNSA Cl 49 ng National Defense College sa kanilang induction noon Thursday, sa pamununo ng kanilang Pangulo na si Col. Ferdinand M. Fraginall PN (M) (GSC), kasama n’ya ang kanyang ibang officers na sina Mr. Roblles, Col. Sequitin, Atty. Patangan, Col. Hechanova, Col. NDAGII, Mr. Estrad, Col. Robinson, Mr. Joson, Col. Rivera, Atty. Umbac, Col. Casem at Col. De Villa.
Gerry Zamudio