PATAY ang bagitong pulis-Maynila, matapos barilin ng kanyang matalik na kaibigan nang magkapikonan dahil sa ‘bukulan’ sa ipinabentang kompiskadong shabu, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Dead on arrival sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si PO1 Anthony Alagde, 31, nakatalaga sa Manila Police District – Special Operation Unit, sanhi ng isang tama ng bala sa ulo na na naglagos sa mukha.
Nakakulong na ang suspek na si PO2 Jugiex Quinto, 30, nakatalaga sa MPD-District Anti-Drug Intelligence Division, residente sa Sta. Mesa.
Ayon sa pulisya, dakong 4:00 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa loob ng Balbon’s Place, sa Herbosa, Tondo, na pinagganapan ng Christmas party ng DAID.
Ayon sa suspek, nagalit umano ang biktima sa pag-aakalang ‘binukulan’ niya sa ipinabenta sa kanyang 10 gramo ng shabu.
“Ma’m eto po talaga ang totoong nangyari, ipinabenta sa akin ni Tony (biktima) ‘yong dalawang bulto sa halagang diyes, sa kagustuhan kong magkaron don pinatungan ko ng P1,000, e hindi niya alam ‘yong ginawa ko, tapos nalaman niya, nagalit akala niya e binukulan ko siya,” paliwanag ni Quinto.
Nang kapwa malasing, kinalawit umano ni Alagde si Quinto at tinutukan ng baril sa leeg, pero nagawang makawala ni Quinto saka nagpunta sa comfort room at sa pagbalik niya ay saka niya binaril ang biktima.
“Lasing na rin po kasi ako, sana nga ay hindi na lang ako bumalik nang makalayo ako para hindi na nasira ang buhay ko,” ayon sa suspek.
Nagpahayag rin ng pangamba ang suspek sa kanyang buhay dahil may amang pulis ang biktima na nakatalaga sa MPD.
“Baka patayin rin nila ako, kasi yong tatay niya ay tigasin din dito sa MPD,” dagdag pa ng suspek.
Samantala, iniutos ni MPD Director C/Supt. Isagani Genabe, ang masusing imbestigasyon sa insidente.
ni leonard basilio