TINANGHAL na bagong hari si Christopher Ulboc Jr. matapos pulbusin ang reigning champion na si Rene Herrera at sikwatin ang gold medal sa men’s 3000m steeplechase sa 27th Southeast Asian Games sa Wunna Theikdi Sports Complex sa Nay Pyi Taw, Myanmar.
Naglista ng nine minutes at 1.59 seconds ang 23 anyos na si Ulboc upang kanain ang pang-apat na gintong medal ng Pilipinas sa athletics.
Kinopo ni Tiem Sam Pham ng Vietnam ang silver medal matapos umoras ng 9:02.50 habang 9:04.04 ang sinumite ni Patikam Pechsricha ng Thailand upang ikuwintas ang bronze medal.
Si Herrera na dinomina ang nasabing event simula pa noong 2003 Vietnam Games ay tumapos lang ng 9:09.14 para sakupin ang pang-apat na puwesto.
Samantala, nasungkit ni Filipino-American Jessica Barnard ang bronze medal sa women’s steeplechase matapos magsumite ng 11:04.84.
Sinikwat ni Rini Budiarti ng Indonesia ang gold medal, (10:04.54) habang silver medalist naman si Thi Oanh Nguyen ng Vietnam (10:30.92).
Nabitin din si Katherine Khay Santos dahil fourth place lang ang natapos nito sa women’s long jump.
Pinaluhod ni Maria Londa si Thitima Muangjan ng Thailand at pambato ng Vietnam na si Thi Thu Thao Bui para makuha ang gold. (ARABELA PRINCESS DAWA)