BUKAS sa publiko ang detalye ng ulat hinggil sa paggamit ng Korte Suprema sa Judiciary Development Fund (JDF).
Sa twitter account ng Supreme Court Public Information Office, inihayag ng Kataas-Taasang Hukuman na ang kompletong ulat ay maaaring makita sa website ng Korte Suprema na sc.judiciary.gov.ph na naka-upload ang quarterly report hinggil sa pondo mula 2012 hanggang nitong unang bahagi ng 2013.
Ang pahayag ay ginawa ng korte kasunod ng pagpuntirya ng mga kongresista sa JDF na planong busisiin ng Kamara de Representantes sa susunod na taon bilang bwelta makaraang ideklara ng hukuman na unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ang pinakahuling ulat hinggil sa JDF, pati na ang Special Allowance for the Judiciary, na naglalaman ng pinaggamitan ng pondo mula Enero hanggang Marso ng taon kasalukuyan ay naisumite ng Fiscal Management and Budget Office ng Korte Suprema sa Department of Budget and Management noong Abril 2013.
Sa nasabing report, ang kabuuang halaga ng JDF sa pagtatapos ng Marso 2013 ay umaabot sa mahigit P1.27 billion.
Ang JDF ay nabuo sa ilalim ng Presidential Decree No. 1949 sa layuning matiyak ang independence ng hudikatura at para maitaguyod ang benepisyo ng mga miyembro at kawani ng mga hukuman.
Ang pondo na kinukuha mula sa mga legal fee ay gagamitin para sa allowance ng mga miyembro at kawani ng hudikatura at sa pagmamantine at pagkukumpuni ng mga tanggapan at pasilidad ng mga korte sa bansa.
(LEONARD BASILIO/BETH JULIAN)