SAYANG, hindi na pala itutuloy na gawing pelikula iyong Be Careful with my Heart. Sa tindi ng following ng TV show na iyan, tiyak hit kung iyan ay nagawa ngang isang pelikula. Pero kahit na gumagawa rin naman sila ng pelikula, hindi natin maikakaila na ang talagang negosyo ng ABS-CBN ay telebisyon, kaya mas priority sa kanila ang TV schedule ng kanilang mga artista kaysa pagawin sila ng pelikula.
Kung nagawa sana ang pelikula, makikita rin natin kung gaano na talaga kalakas sa publiko iyang si Richard Yap. Malakas siya sa fans. Marami talaga siyang mga tagahanga. Pero hindi mo masusukat talaga kung hanggang saan ang paghanga nila dahil nasa TV lang siya. Napapanood siya nang libre. Hindi kailangang magbayad sila para mapanood kagaya ng kung sa sinehan.
Marami riyang sikat, sa publicity lamang pero subukan mong ilabas ang pelikula sa sinehan tingnan mo kung may tumanggap na sine. Kagaya nga niyong isang sinasabi nilang big star pa rin daw hanggang ngayon, panay puri nila pero matapos ang tatlong araw, nailabas pa ba sa commercial theater ang kanyang ginawang pelikula? Kasi hindi totoo ang popularidad niya.
Iyon din naman ang sinasabi namin diyan kay Richard. Talagang sikat siya. Talagang malakas ang following niya. Kaya nga lang kung makagagawa siya ng pelikula, roon masusukat talaga kung gaano siya kalakas sa kanyang fans. Tiyak iyon, kikita naman ang kanyang pelikula, at iyon nga sana ang magiging confirmation ng kanyang popularidad. Sayang at hindi natuloy.
Pero sa palagay namin, sooner or later ay masasabak din sa pelikula iyang si Sir Chief. Imposible namang pabayaan pa nilang iba ang makinabang sa kanya sa pelikula.
Tirso, malakas pa rin ang dating sa fans
MALAKAS pa rin ang palakpakan kay Tirso Cruz III. Nakita namin siya sa isang show sa isang probinsiya noong isang araw. Singing contest iyon at isa si Pip sa jurors. Nang ipakilala ng mga hosts si Pip, ang lakas pa rin ng palakpakan ng mga tao.
Binibiro siya ng hosts at sinasabing, ”bata pa kami napapanood na namin siya”, pero iyon nga ang punto eh, sa paglipas ng mga panahon sikat pa rin siya, at siya na lang ang natitirang sikat pang male star doon sa kanilang henerasyon. Lahat halos ng mga kasabayan niya retired na.
Ang punto nga kasi naging wise siya. Natuto siya kung paano niya dapat pangalagaan ang career. Hindi na siya isang matinee idol ngayon.
Gumaganap na siya sa mga kontrabida role, pero artista pa rin siya. Nagawa kasi niyang ilagay sa ayos ang kanyang buhay. Hindi siya kagaya ng iba na nang makahawak ng pera, akala nila wala nang katapusan, na walang ginawa kundi maglasing.
Ed de Leon