PINAGTIBAY ng Court of Appeals (CA) ang kasong parricide laban sa asawa ni Ruby Rose Barrameda, at kasong murder laban sa kanyang tiyuhin.
Batay sa 16 pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Pedro Corales, ibinasura ng CA Special 16th Division ang petition for certiorari na inihain ng asawa ni Ruby Rose na si Manuel Jimenez III dahil sa kawalan ng merito.
Samantala, kinatigan naman ng appellate court ang desisyon ng Office of the President na may petsang Mayo 2, 2012 at Hulyo 4, 2012 na pumapabor sa ipinalabas na resolusyon ng Department of Justice noong Agosto 11, 2010.
Sa resolusyon ng DoJ, ipinag-utos nito ang paghain ng kasong murder laban kay Lope Jimenez at kasong parricide naman kay Manuel Jimenez.
Ayon sa appellate court, walang “grave abuse of discretion” sa panig ng Office of the President nang katigan nito ang “finding of probable cause” para maipagharap ng kaso sa korte ang dalawang Jimenez dahil sa malagim na pagpatay kay Ruby Rose.
Wala ring may nakikitang merito ang CA sa argumento ni Manuel na ang bangkay na nakuha mula sa loob ng isinementong drum sa karagatan ng Navotas ay hindi kay Ruby Rose dahil ang mga labi ay nakilala sa pamamagitan ng mga dental records, suot na damit at iba pang accessories.
Napag-alaman na si Ruby Rose, ay nawala noong Marso 2007, ngunit ang kanyang bangkay ay natagpuan makalipas ang dalawang taon matapos na ituro ng state witness sa kaso na si Manuel Montero, dating empleyado ng mga Jimenez.
(HNT)