PINAPLANO ngayon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na kausapin ang PBA board of governors upang hilingin kay Komisyuner Chito Salud na huwag palaruin ang mga manlalaro ng Gilas Pilipinas sa ikatlong komperensiya ng liga, ang Governors’ Cup, upang bigyan ng pagkakataong maghanda para sa FIBA World Cup sa Espanya sa Agosto ng susunod na taon.
Ito’y ibinunyag ng pangulo ng SBP na si Manny V. Pangilinan noong Martes ng gabi sa paglulunsad ng coffee table book ng Gilas na “Ten Days in August” tungkol sa kampanya ng tropa ni coach Chot Reyes sa huling FIBA Asia Championships na ginanap dito sa Pilipinas.
Sa ngayon, pumayag ang PBA na linggu-linggo ang magiging ensayo ng Gilas simula sa Enero at dalawang linggo lang ang magiging paghahanda nila para sa World Cup pagkatapos ng Governors’ Cup.
Bukod sa FIBA World Cup, isasabak din ng SBP ang Gilas sa Asian Games sa Incheon, Korea, sa susunod na taon din.
Sa panig ng PBA board, sinabi ng tserman nitong si Ramon Segismundo ng Meralco na kailangang sundin ng PBA ang iskedyul na tatlong komperensiya habang naghahanda ang Gilas para sa FIBA World Cup.
(James Ty III)