INIHAYAG ni Pangulong Benigno Aquino III na $12.9 billion ang halaga ng pinsala ng bagyong Yolanda at maaaring madagdagan pa kapag natapos ang assessment.
Aniya, inaasahang sa 2017 pa matatapos ang rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Sinabi ng Pangulong Aquino, simula sa susunod na taon, puspusan na ang pagtatayo ng mga estrukturang nasira sa kalamidad.
Si Pangulong Aquino ay humarap sa development partners na kinabibilangan ng foreign donors kahapon ng umaga sa Department of Foreign Affairs (DFA) at iniharap ang Reconstruction Assistance on Yolanda (RAY) na magsisilbing living document sa pupuntahan ng mga natatanggap na tulong.
Dito muli niyang pinasalamatan ang foreign donors at tiniyak na mapupunta sa tamang proyekto ang mga donasyon.
Ayon sa Pangulong Aquino, hindi magiging madali ang recovery efforts at mahalaga ang mga foreign aid sa pagbangon.
Tiniyak naman ng Pangulong Aquino na mas matibay ang itatayong mga bahay at mga impraestruktura para hindi agad masira kung may susunod na bagyo.
(ROSE NOVENARIO)