BUTUAN CITY – Nagkasa ang mga magulang, mga guro at principal ng Datu Lipos Makapandong National High School gayondin ang local officials sa bayan ng Rosario, Agusan del Sur, ng mga hakbang upang matapos na ang anila’y pagsapi ng masasamang espirito sa mga estudyante na nagsimula nitong Biyernes, Disyembre 6.
Ayon kay Luzminda Pagalong, principal ng paaralan, mula sa 11 estudyanteng babaeng na-possess ng masasamang espirito nadagdagan pa ang bilang na umabot na sa 23.
Pinangangambahan na baka dumami pa ang masasapian kung hindi maaagapan.
Inihayag ni Pagalong na nagpapatawag na ng espiritista para sa “exorcism” ang kanilang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Jose Cuyos upang mapalayas ang mga espiritong pumasok sa kanilang mga estudyante.
Nais din nilang malaman kung ano ang sadya ng masasamang espirito para hindi na mangyari pang muli.