NATUWA ang team owner ng Globalport na si Mikee Romero nang tinalo ng kanyang koponan ang Rain or Shine, 90-88, noong Linggo sa PBA MyDSL Philippine Cup.
Ito ang unang beses na nanalo ang Batang Pier kontra sa Elasto Painters mula noong sumali ang tropa ni Romero sa liga noong isang taon.
Ilang beses na naglaban ang ROS at Globalport sa nabuwag na Philippine Basketball League kung saan nagkampeon ang Batang Pier nang pitong beses at anim naman para sa Painters.
“Kaibigan ko sina Raymond Yu at Terry Que (team owners ng ROS) and we’re still friends until now. Matagal ang pinagsamahan namin since PBL days,” wika ni Romero. “Dati-rati, nahirapan kami sa kanila since PBL days and I don’t remember na kung kailan namin silang tinalo. Masarap manalo sa kanila.”
Samantala, sinabi ni Romero na malaking tulong para sa Globalport ang komunikasyon niya sa mga manlalaro at ang coaching staff sa pangunguna ni head coach Richie Ticzon.
“Malaking bagay kasi yung talo naming back-to-back against Ginebra and Talk ‘N Text, because after that, ang tagal namin sa dugout. Sabi ko, we have to change a lot of things and start enforcing the system both offensively and defensively,” ani Romero.
Sinabi rin ni Romero na kailangang maintindihan ng pambatong rookie ng Globalport na si Terrence Romeo na dapat makisabay siya sa iba niyang mga kakampi at huwag maging buwaya.
“He (Romeo) scored 27 and 34 points, pero both games, talo kami. He scored two and four points, pero panalo kami. That doesn’t mean di namin siya kailangan, pero he has to work within the system. I believe magma-mature din naman siya eh, 20 years old pa lang siya,” dagdag ni Romero. (James Ty III)