Ipinasara ng pamahalaan ng Quezon City ang Manila Seedling Bank Foundation, Incorporated (MSBFI), nasa EDSA-Quezon Avenue, dahil sa pagkakautang sa buwis, Lunes ng umaga.
Ayon sa report, dahil sa hindi pagbabayad ng real property tax mula 2001 hanggang 2011 na umaabot ng P57 milyon kaya ipinasara ng Quezon City Hall ang Manila Seedling Bank.
Dakong 6:00 ng umaga nang ikandado ng mga tauhan ng QC Department of Public Order and Safety (DPOS) ang mga gate ng seedling bank sa Quezon Avenue at EDSA.
Ayon naman kay Jack Paleg, isa sa mga tenant at chairman ng Gardeners Landscapers and Marketering, Incoporated, bukod sa alanganin ang pagkakabigay sa kanila ng cease and desist order noong Biyernes, pinutol na rin ang suplay ng tubig kaya delikadong malanta ang kanilang mga tanim.
Bagamat inaalok na ang mga apektadong tenant ng paglilipatan sa Quezon Memorial Circle, tumanggi ang ibang tenant dahil maliit ang pwesto at matumal ang kostumer sa lugar.