INIUTOS ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kina Energy Sec. Jericho Petilla, Executive Sec. Jojo Ochoa, Finance Sec. Cesar Purisima, Justice Sec. Leila de Lima at Chief Presidential Legal Counsel Benjamin Caguioa na pag-aralan ang posibleng paggamit ng Malampaya funds para maibsan ang bigtime power rate hike.
Ayon sa Pangulong Aquino, nais niyang matapos ang pag-aaral bago siya bibiyahe papuntang Japan sa Disyembre 12.
Inihayag ng Pangulong Aquino, hindi na ito bago dahil unang ginawa ito sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
(ROSE NOVENARIO)
DAGDAG-SINGIL SA KORYENTE APRUB SA ERC
APRUB na sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang hirit ng kompanyang Meralco para sa dagdag-singil sa koryente.
Sa ipinalabas na desisyon, inaprubahan ng ahensya ang “staggered billing scheme” na magsisimula agad ngayon buwan.
Para sa buwan ng Disyembre, inaasahang tataas ang power charges ng P2.41 per kilowatt hour at P1.21 per kilowatt hour naman sa February 2014.
Ang pangtatlong trance ng power rate hike ay ipatutupad sa Marso sa P0.53 per kilowatt hour.
Nangangahulugan ito na para sa buwan ng Disyembre, ang power consumers na mayroong 200 kilowatt hours na konsumo ng koryente ay inaasahang papasan ng dagdag-singil na P723.
Maalala na mismong ang Meralco ang nagpresenta ng nasabing sistema para maibsan ang target nilang P4.15 per kilowatt hour hike.