ILOILO CITY – Bigo ang mga awtoridad na maisilbi ang warrant of arrest laban kay dating Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) director-general at dating Iloilo 2nd District Rep. Agusto “Buboy” Syjuco.
Ito ay dahil wala ang dating mambabatas sa kanilang bahay nang kanilang puntahan at tanging caretaker lamang ang humarap sa kanila.
Ayon sa caretaker, umalis na si Syjuco sa kanyang bahay matapos matalo sa kanyang reelection bid noong nakaraang May elections.
Ayon kay PO1 Robert Sables ng Santa Barbara Municipal Police Station sa lalawigan ng Iloilo, ang warrant of arrest ay may kaugnayan sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act.
Umaabot sa P30,000 ang itinakda ng korte na pyansa para kay Syjuco.
Napag-alaman, bago pa man ang halalan noong Mayo, nagpalabas na ang Sandiganbayan ng Hold Departure Order (HDO) kay Syjuco dahil sa anim na graft charges na kanyang kinakaharap. (HNT)