PINAYUHAN ng Department of Foreign Affairs ang lahat ng mga Filipino sa Syria na umiwas sa mga lugar na posibleng target ng airstrikes ng Amerika
Ang payo ay ginawa ng DFA makaraan magpahiwatig si US President Barack Obama ng unilateral action laban sa Syria bilang tugon sa chemical weapons attack na pumatay sa mahigit isang libong sibilyan sa labas ng Damascus kamakailan.
Ayon kay DFA spokesperson at Assistant Secretary Raul Hernandez, inaantabayanan na ang pagdating sa Manila ngayong linggo ng kabuuang 1,060 Filipino mula sa Syria matapos mabigyan ng exit clearance ng Syrian government at ligtas na nakatawid sa Masna’a border sa Lebanon.
Sinabi ni Hernandez, noong Agosto 30, 68 Filipino ang nabigyan ng exit visa at unang nakatawid sa Masna’a border sa Lebanon habang inaayos na rin ang exit visa transfer ng 92 iba pa sa Beirut na matatapos sa Setyembre 7.
Pinaiiwas din ni Hernandez ang mga Filipino sa mga lugar na posibleng target ng airstrike, tulad ng military installations, telecommunications facilities at defense buildings.
(JAJA GARCIA)