VIGAN CITY – Tinatayang P30 milyon ang sinasabing nagantso ng dating empleyado ng banko mula sa mahigit 20 biktima sa Ilocos Sur.
Nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa suspek na si Marites Rucod Abuan, residente ng Dungalo, San Ildefonso sa nabatid na lalawigan.
Sa salaysay ng isa sa mga biktima na si Liza Par, umangkat ang suspek ng alahas sa kanya at ibinenta sa mas mataas na presyo.
Nagtiwala si Par dahil kapitbahay niya ang suspek at sa simula ay maganda naman ang pag-remit ng pera hanggang kalaunan ay bigla na lamang nawala na parang bula.
Isa pa sa mga modus operandi ng suspek ay lokohin ang mga taong may malaking pera sa banko para i-withdraw at gamitin sa negosyo kapalit ng mas malaking pera.
Sa ngayon ay isa pa lamang ang nakapagsampa ng kaso habang binabalak ng iba pang mga biktima na maghain din ng joint complaint.
Ayon sa natanggap na impormasyon ng mga biktima, kasalukuyan nang nagtatago ang suspek sa Metro Manila.
(FIDEL COLOMA)