SA KASALUKUYAN ay putok na putok ang pangalan ni Janet Lim-Napoles dahil sa kinasasangkutan niyang kaso lalo na ang tungkol sa anomalya sa pagkuha ng Priority Development Assistant Fund (PPAF) ng mga kongresista at mga senador.
Ngunit ang nasisira sa isyung ito ay si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas dahil kahit na anong paliwanag ang sabihin ng kalihim tungkol sa umano’y VIP treatment kay Napoles ay marami sa mga Pinoy ang hindi naniniwala na binibigyan ng espesyal na pagtrato sa tinaguriang pork barrel scam queen.
Kung hindi mawawala sa isipan ng taong bayan ang tungkol sa pagbibigay ng VIP treatment kay Napoles ay tiyak na liliit ang tsansa ni Roxas kapag dumiretso sa pagtakbo sa presidential election sa 2016.
Dapat din sigurong ngayon pa lang ay ipakita na ni Secretary Mar na desidido ang kanilang kampo na lumabas ang katotohanan sa isyung ito at nararapat din na maparusahan ang mga taong may kinalaman sa eskandalong ito.
Kaya rin nadadamay ang pangalan ni Secretary Mar ay dahil bilang pinuno ng DILG ay nakaatang sa balikat niya ang Philippine National Police (PNP) na nangangalaga ngayon kay Napoles.
Ngayon pa lang siguro ay dapat nang gumawa ng mga hakbang si Roxas upang malinis ang kanyang pangalan dahil alam naman natin na marami sa mga Pinoy ang hindi madaling makalimot sa mga isyu na kinasasangkutan ng mga politiko.
Bagama’t hindi direktang sangkot ang pangalan ni Roxas na nag-uugnay kay Napoles dapat lamang na ipakita ng kalihim na hindi talaga sila nagbibigay ng VIP treatment sa kinikilalang reyna ng pork barrel scam.
May mga nagsasabi na tama lamang ang ibinibigay na pagtrato kay Napoles nang sa gayon ay matiyak ang kaligtasan niya upang kapag humarap sa paglilitis ay maituro ang lahat ng may kinalaman sa paglustay ng pera na para sana sa mga proyekto na pakikinabangan ng taong bayan.
Umaasa tayo na hindi titigil ang Department of Justice (DOJ) na matukoy ang lahat ng may kinalaman sa eskandalong ito nang sa gayon ay maparusahan ang lahat ng mga sangkot upang hindi na mapamarisan ang mga politikong mahilig mangamkam ng pera ng taong bayan.
Tiyak din natin na magbabantay ang taong bayan sa magiging resulta ng eskandalo at kung sino man ang mapapatunayan na sangkot dito ay tiyak na walang aasahan pa sa mga susunod na sasalihang eleksiyon.
Alvin Feliciano