HABANG nakatuon ang ating pansin sa kontrobersya kaugnay ng pork barrel at habang inaaliw tayo ng mga pul-politiko sa kanilang mga gimik at love life, hindi natin napapansin na unti-unting lumalala ang kaguluhan sa Syria, isang Arabong bansa sa Gitnang Silangan na kasalukuyang pinag-iinitan ng United States.
Kung hindi maaawat ang U.S., Gran Britanya at Pransya sa naisin nila na bombahin ang Syria dahil umano sa paggamit ng pamahalaan nito ng armas kemikal laban sa sariling mamamayan ay maaaring mauwi ang lahat sa isang digmaang rehiyonal kundi man pandaigdig. Kapag itinuloy ng mga bansang kanluranin ang kanilang mapanghimasok na balak sa Syria ay maaaring tumulong ang Rusya, People’s Republic of China at Iran sa pamunuan ni Assad.
Tiyak na maaapektohan kaagad ang ating mga kababayan sa Syria at mga karatig bansa tulad ng Lebanon, Israel, Iraq, Jordan, Saudi Arabia at Iran. Hindi pa malinaw kung may kakayahan ang administrasyon ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na ilikas ang mga overseas Filipino workers mula roon at kung kayang bigyang hanapbuhay ang uuwing OFWs.
Ayon sa mga lumalabas na ulat ay malapit na sa Syria ang hukbong dagat ng U.S. at naghihintay na lamang nang utos kung bobombahin ang Syria. Kasabay nito ay inuurot ng Pransya at ng pinuno ng Gran Britanya si U.S. President Barack Obama na simulan na ang panghihimasok sa Syria.
May mga balita na rin na ilang bahagi ng hukbong dagat ng Rusya at mga sundalo nito ay papunta na rin sa Syria upang ipagtanggol si Assad. Nagbabala na rin ang Iran na kikilos kapag binomba ang Syria at nagsabi na ang PROC na hindi magiging maganda ang kalalabasan ng panghihimasok ng U.S. sa dakong iyon ng daigdig.
Ang Syria ay nasa gitna ng isang digmaang sibil na ang mga elemento ng teroristang grupong Al Queda (‘yung taga-suporta ng Abu Sayyaf) ay nagtatangka na ibagsak si Syrian President Bashar al-Assad. Ang Al Queda ang nasa likod ng madugong 9-11 attack sa New York noong 2001 kaya marami ang nagtataka kung bakit kahanay nito ngayon ang U.S. laban kay Assad.
* * *
Tama ang ginawang pagbibitiw sa tungkulin ni National Bureau of Investigation Director Nonnatus Caesar Rojas. Ito ang gawain ng taong may delikadesa. Sana mayroon din ganitong katangian ang mga taong nasasangkot sa pork barrel scam kundi man ‘yung nagpapalakad sa pamahalaan.
Director Rojas kami ay saludo sa inyo, lalo na sa inyong integridad. Hindi madali ang inyong ginawa lalo na kung tutuusin na karamihan sa mga opisyales ng pamahalaan ay kapit-tuko sa poder.Hindi kawalan sa inyo ang NBI bagkus ang NBI dahil sa kawalan ng magiting na pinuno.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa [email protected] para sa karagdagang impormasyon.
Nelson Forte Flores