Bahagyang pinapaboran ang La Salle Green Archers na makabawi kontra University of the East Red Warriors sa kanilang pagkikita sa 76th University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Men’s Basketball Tournament mamayang 4 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na 2 pm ay inaasahan din na mamamayagpag ang National University Bulldogs kontra University of the Philippines Fighting Maroons.
Ang Green Archers ay galing sa morale-boosting, 66-64, panalo kontra arch-rival Ateneo Blue Eagles noong Linggo upang umangat sa 7-4.
Kung makakaganti ang La Salle sa UE na nagwagi, 85-83, sa kanilang unang pagtatagpo noong Hulyo 20, ay makakatabla ng Green Archers sa ikalawang puwesto ang sumasadsad na Far Eastern University Tamaraws.
Nalasap ng Tamaraws ang ika-apat na pagkatalo sa limang games sa second round nang sila’y masilat ng University of Santo Thomas Growling Tigers sa double ovetime, 79-78, noon ding Linggo.
Ang La Salle, na ngayon ay hawak ni head coach Juno Sauler ay pinamumunuan nina Norbert Torres, Arnold Van Opstal, LA Revilla at Almond Vosotros. Magbabalik sa active duty na si Tomas Torres matapos ang one-game suspension.
Patuloy namang mami-miss ng Red Warriors sina Charles Mammie at Lord Kasajeros na kapwa suspendido.
Ang Red Warriors ni coach David Zamar ay nasa ika-anim na puwesto at may 5-5 na record.
Ang Bulldogs ni coach Eric Altamirano ay nangunguna sa kasalukuyan sa kartang 8-3. Dinaig nila ang Fighting Maroons, 74-60, noong Hulyo 14.
Ang NU ay patuloy na sasandig kay two-time Most Valuable Player Bobby Ray Parks. Ang iba pang inaasahan ni Altamirano ay sina Emmanuel Mbe, Gelo Alolino, Lee Villamor at Jeoffrey Javillonar.
Ang Fighting Maroons, na ngayon ay hawak ni coach Ray Madrid, ay wala pang panalo sa sampung games at hindi na makakahabol sa Final Four.
(SABRINA PASCUA)