NAPAKAHALAGA ng batas sa alin mang kalipunan ng mga tao sapagka’t ito ang magiging gabay tungo sa tama at matuwid na pamumuhay. Magiging napakagulo ng isang lipunan na walang batas na umiiral.
May tatlong mahahalagang sangkap ang batas at ito ay ang mga sumusunod… mandatibo o nag-uutos ng dapat gawin, prohibitibo o nagbabawal at penalatibo o pagpaparusa. Sa tatlong sangkap na nabanggit, ang penalatibo o pagpaparusa ang pinakamahalaga sa lahat. Sapagka’t ito ang magbibigay ng katuturan sa dalawa pang sangkap na pagpapasunod at pagbabawal. Kung ang isang tao ay hindi sumusunod at ginagawa ang mga ipinagbabawal nito at hindi naparurusahan ay kasingkahulugan iyan na nababalewala ang batas.
Sa tingin ko ay dito kulang ang Pangulong Noynoy Aquino. Alam niyang may ilang mga ahensiya ng gobyerno na gumagawa ng katiwalian pero hindi niya ginagawan ng konkretong hakbang para makasuhan at maparusahan kung mapapatunayan ang mga kasalanan. Ang talumpati na binanggit niya sa kaniyang State of the Nation Address o SONA ay hinahanap ng mga tao na ipakita niya sa gawa. Pero hanggang ngayon ay nakararamdam ng pagkabigo ang mga mamamayan.
Sa kabilang dako ay sinasayang ni Pangulong Aquino na magpakita siya ng kabayanihan sa pamamagitan na ipalasap niya ang bagsik ng batas sa mga lumalabag lalo na nga ng ilang tauhan ng gobyerno. Pero marami siyang pinalampas na pagkakataon sapagka’t nakikita ng mga mamamayan na hindi naman naparurusahan at hindi binibigyan ng Pangulo ng aksiyon ang mga dapat maparusahan. Sa madaling sabi ay nababalewala ang batas sa mga lumalabag na tauhan ng pamahalaan sapagka’t hindi napapairal ang pinakamahalagang sangkap ng batas na iyan ang penalatibo o nagpaparusa.
Sa ngayon, ang impresyon tuloy ng maraming tao ay mahinang lider si Noynoy Aquino sapagka’t walang bagsik na nakikita rito kundi puro salita lamang. Totoo, kung ikokompara sa dalawang nakaraang administrasyon at marahil ay sa susunod pa ay masasabi nating mabuting tao si Noynoy. Pero kung minsan ay mahirap din iyong hindi ka nga nakagagawa ng masama pero hindi ka rin naman nakagagawa ng mabuti. Maaaring masama ang isang lider pero nakagagawa naman ng mabuti.
Ilang taon na lang ang nalalabi sa termino ni Presidente Noynoy Aquino. May panahon pa naman na magpakita ng katatagan ng liderato si Noynoy. Ipatupad niya ang bagsik ng batas sa mga taong gobyerno na lumalabag dito.
Isang pagbati sa isang masugid na mambabasa ng kolum na si JOJIE LOREDO ng Lungsod ng Las Piñas City. Para sa mga suhestiyon at mga katanungan ay tumawag o mag-text sa 0927-713-10-49.
ni Peter Talastas