IMBES mga manok ang maglaban sa sabungan, mismong mga sabungero ang nagpambuno at nauwi sa madugong barilan na ikinamatay ng isang license officer at isang dating pulis sa Tondo, Maynila.
Dead-on-the-spot si SPO2 Roberto Paulino, 56, retired police, residente ng 74 San Miguel Rd., Delpan, Binondo, Maynila, matapos makipagpalitan ng putok sa suspek na si Julieto Oliver, 41, isang license officer, naninirahan sa 565 Area-A, Gate 2 Parola, Tondo, Maynila na binawian rin ng buhay matapos isugod sa ospital.
Ayon sa inisyal na ulat ni SPO1 Jonathan Moreno sa Manila Police District (MPD)–Homicide Section, nagsasabong umano ang dalawa nang magkaroon ng pagtatalo na nauwi sa pagsuntok ng biktima sa suspek.
Agad bumunot ang suspek ng kalibre. 45 at pinaputukan ang biktima na tinamaan sa kanang binti. Bagama’t may tama na, nakuha pa ng biktima na bumawi ng putok nang paputukin ang dalang kalibre .38 o paltik.
Dahil sa dispalinghadong paltik ng biktima, pinaulanan ng suspek ng putok sa iba’t ibang bahagi ng katawan at ulo na agad niyang ikinamatay. Limang tama ng baril kabilang ang dalawang tama sa ulo, isa sa kanang bahagi ng likod, isa sa kaliwang tagiliran at isa sa kanang binti.
Gayonpaman, isinugod ang biktima sa Mary Johnston Hospital, Tondo, Maynila na namatay rin kahapon, alas-7:35 ng umaga. Narekober ng MPD – Homicide Section sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng kalibre .45, mula sa hindi pa malamang kalibre ng baril, isang basyo ng kalibre .9mm.
(LEONARD BASILIO)