NANINIWALA ang kampo ni Tim Bradley na hindi ang dating Manny Pacquiao ang makakaharap niya sa April 9 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Ayon mismo kay Bradley, tiyak na makakapekto sa mental toughness ni Pacquiao ang “gay issue” na kinakaharap nito, maging ang posibleng epekto ng kanyang kandidatura sa pagka-senador na pinaniniwalaang apektado sa kontrobersiya sa naging pahayag niya laban sa mga bading, na nagresulta ng pag-atras ng Nike sa kontrata na iniindorso niya.
Pero ayon na rin mismo kay head coach Freddie Roach at assistant coach Buboy Fernandez, nasa right track ang itinatakbo ng training ni Pacman. Wala silang nakikitang anumang senyales ng “distraksiyon.”
Matatandaang natalo si Pacquiao kay Bradley sa una nilang sapakan na itinuturing na pinakakontrobersiyal sa kasaysayan ng boksing. At sa rematch ay ipinakita ni Pacman na nadaya lang siya sa naging desisyon sa una nilang pagtatapat at nagrehistro siya ng unanimous decision.
Ngayon, sa ikatlo nilang paghaharap ay naniniwala si Bradley na tatalunin niya ang Pambansang Kamao na walang magiging kakambal na kontrobersiya.
Sa bagong trainer ni Bradley na si Teddy Atlas, naroon ang oportunidad para ma-upset si Pacman.