Renewable energy hindi maruming koryente — Romualdez
Hataw News Team
February 3, 2016
News
SA banta ng tumataas na lebel ng tubig-dagat sa Filipinas sa karaniwang antas saan man sa mundo, muling iginiit ng House Special Committee on Climate Change member Rep. Martin Romualdez ang kanyang panawagan sa gobyerno na repasohin ang polisiya sa pagpapatayo ng mga planta ng koryente na coal-fired power plants kasabay ng babala sa peligrong kaakibat sa paggamit ng nasabing panggatong para sa panandaliang ginhawa na hatid nito.
“Oo, kailangan talaga natin ng enerhiya. Ngunit kapag hindi tayo naghunos-dili sa ating pagkagumon sa maruming koryenteng mula sa karbon, malaking bahagi ng lupa sa bansa ang lalamunin ng tumataas na lebel ng tubig-dagat. Anong silbi ng mga bombilya ninyo, kapag nagkataon?” ani Romualdez.
Ayon sa Kinatawan ng lalawigan ng Leyte, na pininsala ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013, ang patuloy na pagpapatayo ng mga planta ng koryenteng ‘de-karbon’ ay salungat sa ipinangakong “70 porsiyentong pagbaba sa dami ng greenhouse gas emissions ng Filipinas pagdating ng 2030” ni Pangulong Benigno S. Aquino III nang dumalo sa Conference of Parties (COP 21) sa Paris, France noong huling bahagi ng 2015.
Kaakibat din nito na iginarantiya ng pangulo ang “full de-carbonization” ng Filipinas sa taon 2050, na isasakatuparan sa pamamagitan ng paglipat sa “renewable energy sources” upang punan ang pangangailangan ng bansa sa enerhiya.
“Nakalulungkot lang dahil pinasinayaan ng Pangulo ang 300-megawatt coal-fired plant sa Davao mahigit isang buwan lamang matapos mamanata para sa paglipat ng bansa tungo sa mas malinis na enerhiya. Napakarami nang ekspertong pag-aaral ang nagsasabi na ang pinakamalaking sanhi ng global warming ay coal-fired plant. Bawat isang planta ay bumubuga kada taon ng 3.5 milyong tonelada ng carbon dioxide (CO2),” dagdag ni Romualdez.
Sa pagtalakay ng National Academy of Sciences, isang lathalain ng mga siyentipiko sa Estados Unidos, nagkulang ang mga pagtataya ng siyensiya hinggil sa epekto ng global warming sa tumataas na lebel at temperatura ng karagatan, at maaaring dalawang beses na mas mataas sa inaakalang sukat. Ang pangkalahatang antas ng pagtaas sa lebel ng karagatan ay nasa 2.74 millimeters kada taon sanhi ng lumulobong temperatura at natutunaw na yelo sa ilang kontinente.
Nagkakaiba man ang pagtaas ng karagatan sa iba’t ibang bahagi ng mundo, tinataya ng mga siyentipiko na ang antas nito sa Filipinas ay limang beses na mas mabilis sa karaniwang naitala sa nalalabing bahagi ng mundo.
Sa resulta ng nasabing talakayan, inaasahan ang sitwasyon ay hahantong sa madalas na pananalasa ng malalakas na daluyong ng dagat o storm surges sa bansa.
Sinundan din ng UP alumnus na si Romualdez ang panawagan ni Tourism Secretary Ramon Jimenez sa Pangulo na tutulan ang patuloy na pagpapatayo ng coal-fired plants.
Nauna nang hiniling ni Jimenez sa Pangulo na tanggihan ang panukalang 15-megawatt coal-fired power plant sa probinsya ng Palawan dahil lubha itong makaaapekto sa lumalagong industriya ng turismo sa nasabing lalawigan at magdudulot ng “irrevocable damage” sa itinuturing na isa sa “ecological treasures and iconic destinations” sa bansa at kinikilala bilang “one of the most prestine ecosystems” sa mundo.
“Bagama’t nauunawaan natin na lumalaki ang ating pangangailangan sa enerhiya, hindi ito sapat na dahilan upang kaligtaan na mayroon tayong mas malinis at mas ‘sustainable’ na alternatibong pagkukuhaan nito. Maraming bansa na ang lumipat sa solar at wind energy, dapat nating sundan ang halimbawa nila at ating anihin ang napakalawak na biyayang ipinagkaloob sa atin bilang isang tropikong bansa. Malalawak ang mga lupaing tiwangwang at hindi pinakikinabangan sa ngayon, bakit hindi natin pagtayuan ng solar panels gaya ng ginawa nila sa US? Dito sa ating bansa, nauna na ang Ilocos sa pag-ani sa ihip ng hangin bilang wind energy. Mahahaba ang ating mga dalampasigang maaaring pagtayuan ng mas marami pang proyektong kagaya nito,” ani Romualdez.