INC kontra kahirapan (Tulong palalawakin sa bansa)
Hataw News Team
December 2, 2015
News
MARAMI pa rin ang sadlak sa kahirapan kaya minarapat ng Iglesia ni Cristo, sa pamamagitan ng Felix Y. Manalo Foundation, na lalo pang paigtingin ang kanilang mga proyektong tumulong sa mga nangangailangan — pangunahin sa mga katutubong komunidad o Indigenous Peoples (IPs) at mga pamayanang salat sa pagkakataon sa kabuhayan.
“Noon pa man, katuwang na ang Iglesia ng pamahalaan sa pagpapaabot sa ating mga kababayan, kapatid man o hindi kaanib, ng tulong sa kanilang pagpupunyagi laban sa kahirapan,” ayon kay Glicerio Santos, General Auditor ng INC.
“Ito ang paraan ng pagsasabuhay ng mga kapatid at pagtalima ng Iglesia sa utos ng Diyos hinggil sa pagtulong at pagkalinga sa pinakamaliliit nating mga kapatid,” paliwanag ni Santos.
Bukod sa pagpapayabong ng buhay espiritwal ng tao, patuloy ang malusog na ugnayan ng INC sa mga kababayan, kapatid man o hindi, sa paraan ng mga programang pag-alalay at pagbibigay ng tulong-pang-kabuhayan sa mga pook-maralita sa buong Luzon, Visayas at Mindanao.
Ang “self-sustaining eco-community” na inilunsad nitong Nobyembre 8 (2015) ng INC sa Barangay Bakal, Paracale, Camarines Norte ay kasunod na hakbang sa “EVM Self-Sustainable Eco-farming Community” na pinasinayaan noong nakaraang taon sa Alangalang, Leyte.
Ang proyektong ito sa Visayas ay bilang tugon sa panawagan ng mga tagaroon para sa hanapbuhay matapos manalasa ang bagyong Yolanda na sumalanta sa lalawigan noong Nobyembre 2013.
Ang proyekto sa Paracale ay nasa isang 100 ektaryang lupa na inilaan upang pagyamanin ng mga katutubong Kabihug na mahigit 300 kabahayan din ang direktang makikinabang.
Ang EVM community sa Visayas ay nakatayo sa isang 3,000-ektaryang lupa para sa pabahay at kabuhayan ng mga biktima ng Yolanda. Kabilang dito ang pasilidad para sa pagsasaka, mga traktora at iba pang modernong kagamitan sa agrikultura para mapabilis ang pagpapanumbalik ng buhay ng mga residente doon.
Sa kasalukuyan, nasa sampung mga katulad na pamayanan ang naitatatag ng Iglesia sa buong bansa, mga proyektong inumpisahang itaguyod ng INC noong taon 1965.
Maging ang Mindanao ay nabiyayaan din ng “eco-farming projects” kabilang ang mga lalawigan ng Agusan del Sur at Lanao del Norte. Tatlong libong pamilya ang itinataguyod ng INC sa Agusan.
Nabiyayaan din ng mga katulad na inisyatiba ng INC ang ilang eco-farming communities sa San Miguel, Bulacan, Pinugay at Tanay sa Rizal, at sa Naic. Cavite. Ang mga manggagawa sa tinaguriang “mushroom house” sa loob ng New Era University main campus sa Quezon City ay mga taga-Leyte na biktima ng Yolanda.
Nagpahayag ng pasasalamat sa INC ang ilang benepisyaryo ng mga proyektong nabanggit. Ayon kay Sainma Romeric, residente ng Lanao livelihood community, “sa loob lamang ng isang taon mula nang manirahan kami rito, patuloy ang paglago ng aming kinikita. Nakapapasok sa eskwela ang mga anak namin at sapat ang pagkain namin sa araw-araw.”
Ang tagumpay ng mga nasabing komunidad, ayon kay Santos, ang nagbibigay-sigla sa INC sa kapasyahang ipagpatuloy ang mga katulad na proyekto sa iba pang bahagi ng bansa.
“Marami pang lugar kaming natukoy na angkop paglagakan ng eco-farming communities. Ang makitang nagtatagumpay ang mga naunang proyekto ay sapat nang inspirasyon sa Iglesia na abutin ang mga nangangailangan sa iba pa nating mga lalalawigan. Ipinapalagay namin ang mga inisyatibong ito na tungkulin namin bilang mga Kristiyano na kumalinga sa napagkakaitang mga pamayanan,” ayon kay Santos.