“Pag-aaklas” sa Maynila kumalat na parang apoy
Percy Lapid
September 4, 2015
Opinion
SABAY-SABAY na umalingawngaw kahapon ng tanghali ang ingay bilang hudyat ng protesta sa walang habas at kuwestiyo-nableng pagpasok ng administrasyon ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada sa joint venture agreement (JVA) at pagsasapribado ng mga public market sa Maynila.
Ang nakabibinging noise barrage ay isa lamang sa serye ng protestang ilulunsad ng mga manininda laban sa City Ordinance 8346 na nagtatakda sa pagsasapribado ng 17 public markets sa Maynila hanggang sa idaraos na Market Holiday sa Setyembre 14.
Makatuwiran ang pag-aaklas ng mga mani-ninda dahil mistulang sindikato ang pamamalakad sa pamahalaang lungsod na walang inatupag kundi ibenta ang mga ari-arian ng Maynila sa mga pribadong kompanya.
“Ninanakaw” ang kanilang kabuhayan, hindi sila kinonsulta at maanomalya ang mga kontratang pinasok ng administrasyong Estrada sa mga pribadong kompanya.
Matatandaan na sa Quinta Market ay bigla na lang pinalayas ang mga vendor, at nang mag-rally sila ay sinugod pa sila ni Erap.
Walang takot ang sentensiyadong mandarambong sa mga illegal na ginagawa niya sa Maynila.
Tutal nama’y nakikisimpatya raw si Manila 5th District Rep. Amado Bagatsing sa pang-aapi ni Erap sa mga vendors, pero nakapagtataka na hangga ngayon ay hindi siya naghahain ng resolusyon sa Kongreso para imbestigahan ang pagsasapribado ng mga pamilihang bayan sa Maynila? Ito rin ang hamon natin sa militanteng grupo na laging kasama sa pagra-rally ng mga inaagrabyado ni Erap.
Si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares ay naghain ng resolusyon noong 2014 na nagsusulong na imbestigahan ang pagsasapribado ng Ilo-ilo Central market, bakit kaya hindi nila paimbestigahan ng kanyang mga kasamang militante sa Kongreso ang katulad na mga alingasngas ni Erap sa Maynila?
Ang grupong Gabriela ang unang umalma laban sa paniningil sa mga pasyente sa anim na public hospital sa Maynila pero marami ang nadesmaya nang hindi pinaimbestigahan sa Kongreso lalo na’t ang ordinansa na nagtatakda nito’y hindi dumaan sa public hearing.
“Unholy Alliance” nina Erap at Mar
MAGUGUNITA na sa isang annual audit report na inilabas ay kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang pagbabayad ng P512-M ni Erap para sa koleksiyon ng basura noong 2013.
Hindi lang ‘yan, pinaalalahanan pa nga ng COA si Erap na sundin ang mga patakaran sa paggasta ng Special Education Fund ng siyudad dahil natuklasan na P238.6-M ng naturang pondo ay ginastos sa ibang pakay imbes na sa sports activities.
Nabuko ng COA na sumobra ng P1.248-B ang ginamit na budget ng city government para sa sahod ng mga kawani.
Labis ng P661.34-M ang ginasta ng administrasyon ni Erap para sa “personal services.”
Kung ‘di tayo nagkakamali, ang Ibig sabihin sa COA report ay kahit anim na buwan pa lang nakaupo sa Manila City Hall si Erap ay umariba na ang bisyo niyang sumawsaw sa kaban ng ba-yan at lumabag sa batas.
Hinimok ng COA ang Department of Public Service (DPS) na pinamumunuan ng anak ni “Le-Che” Borromeo na magsumite ng mga dokumento na magpapatunay na tinupad ng garbage contractor ang nakasaad sa kontrata at sinunod ang patakaran alinsunod sa COA Circular No. 2012-001.
Hindi siya tinatanggal ni Erap sa puwesto kahit idineklara na ng Civil Service Commission (CSC) na invalid ang kanyang appointment.
Duda ng marami, kaya binalewala ni Erap ang memorandum ng DILG na nag-uutos sa kanya na sibakin si City Treasurer Liberty Toledo ay dahil siya ang may hawak ng “susi” sa mga anomalya sa Maynila.
Si Toledo at iba pang opisyal noong panahon ni dating Mayor Lito Atienza ay napatunayan ng Ombudsman na guilty sa kasong graft dahil sa maanomalyang pagbili ng econovans na nagkakahalaga ng mahigit 120 milyon.
At sa hiwalay na kasong graft, tuluyan nang pinasibak ng Ombudsman si Toledo sa serbisyo at pinatawan ng parusang “perpetual disqualification from holding any public office” bilang accessory penalty sa iginawad na hatol laban sa kanya.
Marami tuloy ang naghihinala na ang hindi paggiit ng DILG na ipatupad ni Erap ang pagsibak kay Toledo ay posibleng may kinalaman sa kumakalat na balitang unholy alliance kay DILG Sec. Mar Roxas kapalit ng suporta sa kandidatura ng huli sa 2016 elections.
Iyan ang bulok na kalakaran sa Filipinas, nagkakamutan ng likod ang mga dorobo cum opis-yal ng gobyerno.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]