KINOMPIRMA kahapon ng executive director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na si Renauld “Sonny” Barrios na babalik si Andray Blatche sa Gilas Pilipinas para sa kampanya nito sa FIBA Asia Championships na gagawin sa Changsa, China, mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 3.
Sa panayam ng programang Aksyon Sports sa Radyo Singko 92.3 News FM kahapon, sinabi ni Barrios na patuloy ang pakikipag-usap ng SBP kay Blatche na nakabase ngayon sa Tsina bilang import ng isang koponan sa Chinese Basketball Association.
Kasama ang tropa ni coach Tab Baldwin sa Group B kasama ang Palestine at Kuwait para sa FIBA Asia na qualifier para sa 2016 Rio Olympics.
Isa pang koponan mula sa East Asia ay ilalagay sa Group B at dahil dito ay makakaiwas nang maaga ang Gilas sa mga malalakas na kalaban tulad ng Tsina, Korea at Iran.
Matatandaan na tumapos bilang runner-up ang Gilas ni coach Chot Reyes sa huling FIBA Asia noong 2013 dito sa Pilipinas upang makuha ang isa sa tatlong puwestong nakalaan para sa Asya sa FIBA World Cup sa Espanya.
Ngunit iginiit ni Barrios na kahit mahina ang mga kalaban ng Gilas sa unang round, hindi basta-basta puwedeng maging sobrang kompiyansa ang koponan ni Baldwin na halos lahat ng mga manlalaro ay kasama sa PBA.
(James Ty III)