ITINUTURING ang Tsina bilang espirituwal na tahanan ng martial arts at ang bansang nagbigay sa mundo ng wushu, sanshou, sanda at napakaraming uri ng kung fu at gayon din ang pagsilang ng mga pelikulang pinagbidahan ng mga tulad nina Bruce Lee at Jackie Chan.
At sa pagtatanghal ng mga patimpalak ng ONE Championship sa mga lungsod sa iba’t ibang lugar sa Tsina, nakakukuha naman ng oportunidad ang mga martial artist para ma-kipagtagisan ng galing sa global stage at maipakita ang kanilang talento sa mga fight fans sa buong mundo.
Sa Filipinas, may nag-iisa umanong mixed martial art (MMA) fighter na mayroong background sa Chinese martial arts, at ito ay walang iba kundi si Eduard Folayang na dating high school teacher sa Mountain Province.
Apat na taong nakalipas, nanalo si Folayang ng gintong medalya sa wushu sa Southeast Asian Games sa Jakarta sa spinning back kick KO ilang linggo lang makalipas na pabagsakin niya si A Sol Kwon sa main event sa inagurasyon ng ONE Championship event sa Singapore.
Nagsimula siyang magsanay sa Wushu sa edad na 16 at mula rito ay nagwagi na rin siya ng tansong me-dalya sa Busan Asian Games noong 2002 at World Wushu Championships noong 2005, at pilak sa pagbalik niya sa Doha Asian Games noong 2006.
Ang record niya sa MMA ay 14-5 at hawak niya ang panalo kontra kay dating ONE world lightweight champion Kotetsu Boku.
Bukod dito, siya ngayon ang reigning welterweight champion ng Universal Reality Combat Championship (URCC), ang pinakamalaking mixed martial arts promotion sa Filipinas at kasama rin siya bilang lightweight sa ONE Championship na nakabase sa Singapore.
Miyembro si Folayang ng Team Lakay Wushu sa Baguio City na tahanan din nina URCC pinweight champion Rey Docyogen, URCC flyweight champion Kevin Belingon at URCC lightweight champion Honorio Banario.
Bago mapabilang sa Team Lakay Wushu, nagturo muna siya sa high school bago nag-debut sa kanyang unang martial combat noong Hunyo 17, 2010, sa pagpasuko kay Slovakian fighter Egon Racz gamit ang guillotine choke sa maagang bahagi pa lang ng first round ng kanilang laban.
ni Tracy Cabrera