Matapos ang 37-taon na pag-aantay ay may naitanghal na muling Triple Crown na kampeon sa Amerika, iyan ay ang kabayong si American Pharoah matapos magwagi sa naganap na Belmont Stakes Race.
Banderang tapos ang kanyang panalo at may mga walong kabayong agwat ang kanyang nailayo sa pumangalawang si Frosted bago dumating sa meta.
Ibang klaseng mananakbo at napakainam na kabayo iyang si American Pharoah, dahil kahit pa mahigit dalawang kilometro ang distansiyang tinakbuhan ay halos maraming-marami pa siya pagsungaw sa rektahan.
Sa darating na Linggo ay lalargahan na sa pista ng Sta. Ana Park ang ikalawang serye ng 2015 PHILRACOM “Triple Crown Stakes Race”, na kung saan ay paglalabanan ng mga kabayong sina Breaking Bad, Cat’s Express, Court Of Honour, Diamond’s Best, Driven, Incredible Hook, Magnetism, Money Talks, Princess Meili, Sky Hook, Wanderlust at ang first leg winner na si Superv.
REKTA – Fred L. Magno