KULANG ang “Big 3” kaya kayod kalabaw si basketball superstar LeBron James para akbayan ang Cleveland kontra Chicago, 106-101 sa Game 5 Eastern Conference semifinals ng 2014-15 National Basketball Association, (NBA) kahapon.
Umarangkada si four-time MVP James ng 38 points, 12 rebounds at anim na assists para iuna ang Cleveland, 3-2 sa kanilang best-of-seven series.
‘’LeBron was just outstanding, every element of the game,’’ wika ni Cavaliers coach David Blatt. ‘’You can’t pick a thing he didn’t do at the highest level.’’
Kasama ni James sa ‘Big 3″ sina point guard Kyrie Irving na naglalarong may sprained right foot at sore left knee at hindi naglalarong si Kevin Love na may injury sa balikat.
Lumista ng 25 puntos, limang assists at dalawang rebounds si Irving upang magkaroon ng tsansa ang Cleveland na tapusin ang serye sa Game 6 kung saan ay sa Chicago ang laro.
Si Jimmy Butler ang umariba sa puntusan para sa Bulls matapos tumipa ng 29, siyam na rebounds at tatlong assists habang si Mike Dunleavy ay may 19 pts.
Sumahog naman si Derrick Rose ng 16 puntos, 12 ay sa first quarter niya sinalpak subalit ang star guard ng Chicago ay tumira lang ng 2 of 15 sa final three quarters.
Kapit ng Cavs ang 17 point lead may 6:09 minuto na lang sa fourth quarter subalit naibaba ito sa dalawang puntos, 101-99 matapos itarak ni Butler ang tres may 1:18 pa sa orasan.
Isang importanteng rebound ang nahablot ni Iman Shumpert at sinalpak ni Irving ang kanyang free throws para itakas ng Cavs ang panalo.
Samantala, humihinga pa ang Houston Rockets matapos nilang ratratin ang Los Angeles Clippers, 124-103 sa kanilang best-of-seven Western Conference semifinals.
Kumana ng triple-double si Rockets guard James Harden para ipinta ang 2-3 series at manatiling buhay sa kanilang asam na NBA title.
Tumarak ng 26 puntos, 11 boards at 10 assists si Harden at kailangan nilang manalo sa Game 6 na lalaruin sa Los Angeles para makabalik sila sa Houston upang ilaro ang Game 7.
ni ARABELA PRINCESS DAWA