ILANG araw na lang at bakbakang Manny Pacquiao-Floyd Mayweather Jr. na sa MGM Grand.
Ang isang malaking katanungan sa lahat ng boxing experts ay kung sa haba ng pagsalang ni Manny sa ensayo sa pangangalaga ni Freddie Roach ay nasagot na nila ang misteryo ng depensa ni Floyd?
Bagama’t hindi isinatinig ni Roach ang kasagutan, kitang-kita sa kanyang final workout sa Wild Card Gym noong Lunes ang posibleng solusyon sa matibay na depensa ni Mayweather.
Ang mga galaw ni Pacquiao sa work out ay maihahalintulad sa ipu-ipo at panay ang bato ng sunud-sunod na pamatay na suntok sa mitts.
Ipinakita rin doon ni Pacquiao ang daan-daang rapid-fire na suntok sa ayre bilang bahagi ng kanyang workout.
“You can beat Floyd Mayweather if you outwork him and never give him a chance to do the things he does best,” pahayag ni Roach. “Manny is punching real hard, but I want him to outscore (Mayweather) in every round. I think we can win a 12-round decision. We want to throw a ton of punches.”
Maging ang miron na nakasaksi sa final workout ni Manny ay naniniwala na malaki ang panalo ni Pacman kung magpapakawala ito ng volume of punches kay Mayweather. At iyon ay sinusugan ni Roach. Ayon sa kanya, ang 8-division world champion ay isinalang niya sa training para lumaban at sumuntok ng walang patumangga sa loob ng 12 rounds para sirain ang diskarte ni Floyd.
“I’m not really looking for a knockout,” pahayag ni Pacquiao. “We’re not looking only for a knockout, but for throwing a lot of punches, and also making sure that every round, we’re ahead on points.”
“Our volume of combinations is much higher than Mayweather’s,” susog naman ni Roach. “Mayweather waits for you to finish your combination and throws back with the big right hand or the check hook, and we’re not going to be there for that. We’re going to be in and out, and I plan on Manny outscoring him that way.”