Napakagat-labi ang misis niya.
“Lagi nang kumakabog ang dibdib ko sa bawa’t pagtuntong mo sa ring. Nakataya ang lahat-lahat sa ‘yo, Joe…” anito sa pagpatak ng luha sa mga mata.
“Kayo ng anak natin ang buhay ko… Para sa inyo ang paghahangad kong manalo sa bawa’t laban ko,” sabi ni Joe na nang-halik sa mga pisngi ni Liza na nabasa ng luha.
Dumating ang araw ng “Victorious Victor Vs. Davis Strotsky the Tornado fight.” Punumpuno ang Caesar’s Palace. Sold out ang lahat ng tiket. Hindi lang mga persona-lidad sa daigdig ng boksing at mahihilig sa boksing ang naroroon para manood. Naroroon din pati ang mga kilalang tao sa larangan ng politika at mga sikat artista.
Sa “Tale of the Tape” sinasabing 26 ang edad ni Victorious Victor habang 29 anyos naman si Davis Strotsky. Halos pareho ang kanilang taas na mahigit sa anim at apat na talampakan, gayon din sa timbang na 225 lbs. Pero mas malapad ang dibdib at mas mahaba ang mga braso ni Strotsky kay Victor.
Mainit na agad ang pasok ni Strotsky the Tornado sa unang round pa lamang. Kalmado si Victorious Victor. Pa-jab-jab lang. Pero mapuwersa iyon at nakayayanig kay Strotsky.
Sabi ng ring announcer: “Pasa-pasa na agad ang mukha ni Strotsky… At hayun! Nasapol siya ng isang right hook, dumugo ang kanyang kilay.
Tumunog ang bell. Tigil ang pag-atake ni Victorious Victor kay Strotsky.
“Mukhang nagroge si Strotsky… Buti na lang at nag-bell…” pag-aanunsiyo ng ring announcer.
Sinuri ang sugat sa ibabaw ng kilay ni Strotsky ng ring physician. Puwede pa raw lumaban. Pero pagtunog ng bell sa paghuhudyat ng ikalawang round ay naghagis ng puting tuwalya ang coach nito sa kanilang korner. Naging mabalasik ang anyo, nang tumayo mula sa pagkakaupo sa bangkito ay ibinalibag ang puting tuwalya sa labas ng ring.
Mabilis na pumagitna si Strotsky sa ruweda, mistulang nag-aalborotong toro na sumisingasing. (Itutuloy)
ni Rey Atalia