NILAMPASO ni GM Wesley So si GM Rauf Mamedov kahapon para dapuan ang solo liderato matapos ang fourth round ng Gashimov Memorial Shamkir Chess 2015 na ginaganap sa Azerbaijan.
Niratrat agad ng 21 anyos na si So (elo 2788) ang Sicilian defense ni Mamedov (elo 2651) ng host country upang pataubin nito sa 41 sulungan at ilista ang 3.5 puntos.
Kasalo ni So sa unahan sa third round si reigning world champion GM Magnus Carlsen (elo 2863) ng Norway subalit nalaglag sa pangalawang puwesto ang top seed sa nasabing torneo matapos matablahan ni GM Michael Adams (elo 2746) ng England sa 38 moves ng Ruy Lopez.
May tatlong puntos si Carlsen
Nakadapo sa pangatlong puwesto si former classical World Champion GM Vladimir Kramnik (elo 2783) ng Russia na may 2.5 points matapos makipaghatian ng puntos kay GM Viswanathan Anand (elo 2791) ng India.
Tumagal hanggang 28 sulungan ng Slav ang labanan ng dalawang dating World champions sa event na may 10-player at ipinatutupad ang single round robin.
Muling makikilatis ang husay ni So sa fifth round dahil makakalaban niya ang beteranong si Anand habang si Carlsen ay makakalaban ang pambato ng mga taga France na si Maxime Vachier Lagrave (elo 2762).
Sina Anand at Lagrave ay magkasama sa fourth to fifth places tangan ang tig 2 points.
May tig 1.5 puntos naman sina Mamedov, GMs Anish Giri (elo 2790) ng the Netherland, Shakhiyar Mamedyarov (elo2754) ng Azerbaijan at Fabiano Caruana ng Italy.
Nakabaon sa ilalim si Adams pasan ang isang puntos.
Ang ibang pares ng labanan sa round five ay sina Mamedov kontra, Adams, GM Vladimir Kramnik at Mamedyarov at Caruana laban kay Aish Giri.
Samantala, nabawi na ni So ang mga nawalang elo ratings sa kanya sa katatapos na US Chess Championship kung saan ay na-forfeit pa ang laro ng Pinoy.
(ARABELA PRINCESS DAWA)